HINDI lang mga karaniwang matatapat na nananalig ang walang-tigil na humahagulgol sa piling ng Santo Papa. Nang bumisita si John Paul II sa Maynila noong 1995, pati mga matitigas-pusong broadcas-ters ay biglang tumigil sa pag-uulat nang blow-by-blow, napaluhod, at humagulgol habang dumadaan ang Pope-mobile. Naka-attention ang mga sundalong nagbabantay sa ruta, pero dumadaloy ang luha sa mga pisngi. Halos walang malaking krimen sa limang araw na bisita niya.
Sa pagdating, parada, misa, sermon, pakikisalamuha, hanggang pag-alis ni Francis nitong Enero 15-19, hindi mabilang ang mga napaluha sa kanyang piling. Pati mga nanonood lang sa telebisyon at nakikinig sa radyo ay napaiyak nang matagal.
Hindi ito maipapaliwanag na basta lang mass hysteria ng mga tao na simpleng mag-isip, o pagka-simpatiko at charisma ng Santo Papa. Mas malalim ang sanhi ng phenomenon, at two-way ito.
Tulad ni Santo John Paul, meron si Francis ng tinatawag na “interiority.” Pinapayak ni Benedict XVI ang paliwanag nito mula sa teyolohiya ni San Agustin. Ang interiority ay kakaibang kakayahan na masulyapan ang kaluluwa ng tao.
Sa kabilang dako, nararamdaman ito ng tao. Merong bahagi sa harap-kaliwa ng utak na, natuklasan ng mga pantas kamakailan, na kanlungan ng pananampalataya at pananalig ng tao sa Tagapag-Likha. Ito kaya ang rason kung bakit, sa pagtapik lang ng healer-preacher sa noo, “slain” agad ang binibinyagan sa ngalan ng Santo Espiritu. Nabubuwal sila na parang troso, o kaya’y napapahagulgol sa di-maipaliwanag na tuwa at kapayapaan.
Sana masaliksik pa ang phenomenon. Winawasak ng agham ang pamahiin, at winawasak ng relihiyon ang pagsamba sa diyus-diyusan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).