HINDI nasayang ang ginastos ng pamahalaang Aquino at hindi rin nasayang ang oras ng mga kababayan sa pagda-ting ni Pope Francis sa bansa. Kitang-kita sa mukha ni Pope Francis ang labis na kasiyahan habang binabagtas ang ruta mula Villamor Air Base, Pasay City hanggang sa Apostolic Nunciature sa Malate. Halos walang kapaguran si Pope Francis sa kakakaway sa mga tao. Bakas din sa mukha ni Pope Francis ang pagiging kampante. Walang nagtangkang humarang sa dinaraanan ng Papa kaya naging normal ang takbo ng convoy.
Bagama’t makipot ang dinaraanan sa Andrew Avenue at NAIA Road dahil sa under construction naiiwas naman ng Presidential convoy sa Airport Road na pugad ng beerhouses ang Santo Papa, hehehe! Ang Airport Road ang pinaka-short cut na kalye palabas ng Roxas Boulevard at dito makikita ang beerhouses at pubhouses na makakasira sa pananaw ng mga delegasyon ng Vatican. Get n’yo mga suki! Kaya upang maikubli ang Sin City ng Parañaque, dinaybert ang ruta sa NAIA Road, na naging maayos ang takbo ng convoy ng Papa dahil mas maraming kababayan natin ang nakasilip sa kanyang maamong mukha.
Sa kahabaan ng Roxas Blvd. wala ni anumang naging sagabal sa kanyang paglalakbay. Kitang-kita ang mga pulis na nakahanay. Diyan nakita ang disiplina ng ating mga kababayan na hahangaan ng mga delegasyon ng Vatican at buong mundo sa hinaharap. Kahapon, lalong natuwa si Pope Francis nang kanyang makita ang mga taong nakahanay sa kalye habang patungo sa Malacañang para bumisita kay P-Noy. Nagmistulang zipper ang mga tao ng binabagtas na ng convoy ni Pope Francis ang J. P. Laurel. Walang umabala hanggang makarating sa Manila Cathedral.
Napakaraming tao sa labas ng Manila Cathedral kaya naging abala ang Philippine National Red Cross sa pagbibigay ng lunas sa mga hinimatay sa labis na puyat, pagod at gutom. Ang lalong nakakabilib sa mga kababayan, hindi sila nagpatinag sa pagbuhos ng ulan habang nasa Roxas Boulevard at Quirino Avenue. Kaway nang kaway ang Papa habang nasa loob ng Volkswagen. Ikalawang araw pa lamang ni Pope Francis sa bansa at nakita na ang pagiging disiplinado ng mga tao. Kaya kayo sa Palo, Leyte, tularan ang disipilinang ipinakita ng mga taga Metro Manila para masilayan ninyo nang maayos ang Santo Papa.