HINILINGAN namin ang isang kaibigan naming pari, si Fr. Raymund ‘Lucky’ Acu?a upang magsulat kaugnay sa pagbisita ng ating ‘Santo Papa’, si Pope Jorge Mario Bergoglio o ‘Pope Francis’. Ito’y upang lubusang maunawaan kung sino ang matatawag na pinakamalapit na alagad ng Diyos dito sa lupa. Narito ang aming pitak para inyong mabasa.
Naluklok bilang ika-267 na Santo Papa ng Simbahang Katolika si Papa Francisco. Isinilang siya nung ika–17 ng Disyembre, 1936 sa Buenos Aires, Argentina. Si Pope Francis ay anak nina Mario Guiseppe Francesco Bergoglio at Regina Maria Sivori. Bihasa siya sa mga wikang Spanish at Italian at nakakaunawa ng German, English, French, Portuguese, Latin at Greek. Nang magtapos siya ng haiskul, kumuha siya ng kursong ‘chemical engineering’ sa Escuela Nacional de Educacion Tecnica at nagtapos bilang chemical technician.
Noong 1956 nagsimula ang paglalakbay sa buhay-pagpapari ng batang si Jorge at siya ay natanggap sa Diocesan Seminary of Villa Devoto.
Makalipas ang mahigit isang taon, noong ika–11 ng Marso 1958, siya ay pumasok sa Society of Jesus. Mula 1958-1963, siya ay naging novice, nag-aral ng ‘basic humanities’ sa Chile at pilosopiya sa Colegio Maximo San Jose sa San Miguel, Argentina.
Sa pagitan ng 1964–1966, siya ay naging guro ng ‘literature’ at ‘psychology’ sa Colegio de la Inmaculada sa Santa Fe at sa Colegio del Salvator sa Buenos Aires. Nagpatuloy siya sa pag-aaral ng ‘theology’ mula 1967-1970 sa Colegio Maximo San Jose.
Naordinahang siyang pari noong ika–13 ng Disyembre 1969. Kanyang tinapos ang ‘final Jesuit schooling’ sa Alcala de Henares sa Spain mula noong 1970–1971. Siya ay naging novice master ng mga Jesuits sa San Miguel, Argentina at advisor ng kanilang Provincial Superior sa pagitan ng 1972–1973. Isinagawa niya ang kanyang final profession sa Society of Jesus noong ika–22 ng Abril 1973 at simula noon hanggang 1979, siya ay naging Provincial ng Argentine Jesuits.
Si Pope Francis ay naging rector ng Colegio Maximo San Jose kung saan siya nag-aral at nagtapos sa philosophy at theology mula 1980–1986.
Sa pagitan ng 1985–1986, siya ay nag-aral ng German sa Goethe Institute sa Germany at kumuha ng short course sa Philosophy–Theology College Sankt Georgen sa Frankfurt am Main, Germany. Naging kura paroko siya mula 1986–1992. Siya ay nagsimula sa Colegio del Salvador sa Buenos Aires at nagpatuloy sa Jesuit Church sa Cordoba.
Matapos niyang magampanan ang iba’t ibang tungkulin sa kanyang kongregasyon, pinangalanan siyang ‘auxiliary bishop’ ng Buenos Aires noong Mayo 20, 1992 at naganap ang kanyang episcopal consecration noong ika-27 ng Hunyo 1992. Bilang obispo, si Bishop Jorge ay naging bishop vicar ng Flores district sa Buenos Aires.
Noong Disyembre 21, 1993 siya ay naging Superior Vicar of the Archbishopric ng Buenos Aires na may tinatayang 3 milyong mananampalatayang Katoliko.
Naging co-adjutor ng arsobispo ng Buenos Aires si Bishop Jorge noong 1997 kung saan siya ang hahalili sa arsobispo nito kapag ito ay nagretiro. Mula 1998–2013, siya ang arsobispo ng Buenos Aires, primate ng Argentina at ordinary ng Congregation of the Oriental Churches sa Argentina. Noong ika–21 ng Pebrero 2001, siya ay tinanghal na cardinal ni Pope John Paul II.
Simula noong 2001, naging aktibong miyembro si Pope sa mga gawain ng Congregations of the Divine Worship, Clergy at Institute of Consecrated Life. Miyembro rin siya ng Pontifical Council for the Family at Pontifical Commission for Latin America. Naging Grand Chancellor din siya ng Catholic Universities sa Argentina. Nung Oktubre 2001, siya’y naging acting Relator General ng Synod of Bishops sa Roma.
Sa pagkamatay ni Pope John Paul II noong Abril 2005, siya’y naging bahagi ng conclave upang maghirang ng bagong Santo Papa at dito ay nailuklok ni Papa Benito bilang ika–266 na obispo ng Roma.
Naging pangulo siya ng Argentine Bishops’ Conference mula 2005–2011. Noong 2007, naging Chairman siya ng editorial committee ng Fifth General Assembly of the Latin American Bishops’ Council na ginanap sa Aparecida, Brazil.
Sa pagbaba sa puwesto ni Papa Benito noong 2013, si Pope Francis ay nahalal bilang bagong obispo ng Roma noong ika–13 ng Marso 2013.
Simula noong hirangin na Santo Papa, naging mapanghamon ang mga sumunod na pangyayari sa loob ng Simbahan lalo na sa Vatican City.
Ang mga paninindigan at prinsipyong ipinamamalas ni Papa Francisco sa kasalukuyan ay bunga ng kanyang mga karanasan sa bansang kanyang pinanggalingan sa Argentina. Wari bagang ang mensahe sa atin ni Papa Francisco ay matatagpuan natin si Jesucristo sa atin mismong ordinaryong pamumuhay, sa kapayakan at pagiging simple, makikita natin Siya na katuwang at kasama natin sa paglalakbay sa buhay na ito. Hindi Siya mahirap katagpuin lalo na at hindi Siya mahirap unawain. Ganito niya pinakikilala si Jesus sa ating lahat kaya naman kung titignan natin Siya sa kanyang mga ginagawa waring hindi napapagod at puno ng kaligayahan.
Layunin ni Papa Francisco na mapalapit ang sambayanang Kristiyano kay Jesukristo lalo na ang kabataan. Kaya naman, madaling nakapalagayan ng loob ng Santo Papa ang mga kabataan. Sumasabay siya sa mga ipinauuso at kinahihiligan ng mga ito. Tulad ng paggamit ng social media gaya ng Twitter na sinimulan ni Papa-Emeritus Benedikto at marami pang iba.
Sa kanyang unang pagdiriwang ng World Youth Day bilang Santo Papa sa Brasil, ipinamalas ni Papa Francisco ang dapat itugon ng mga kinatawan ng Simbahan sa pangangailangan ng mga kabataan sa mundo. Masaya siyang nakibahagi sa pagdiriwang na ito at kalakip ng kasiyahan ay hamon at panawagan sa mga kabataan kung paano sila dapat mamuhay.
Sinabi ni Papa Francisco sa mga kabataan na kailangan nilang linangin ang binhi ng kabutihan at pananalig sa Diyos upang mas lalo nila Siyang makilala sa kanilang buhay. Kailanman ang Diyos ay hindi naging malayo sa kabataan bagkus kapiling at nakipamayan Siya sa atin. Isang paanyaya sa lahat na maging sentro ng bawat gawain ang Diyos.
Ang buhay, sabi ni Papa Francisco, ay maihahalintulad sa construction site. Bakit? Dahil bawat tao ay nagtatayo at bumubuo ng kanyang kahulugan na sa pagiging kabataan sinisimulan ang pagpapatibay ng pundasyon ng dambana o monumento ng kanyang tagumpay. Malilinang lamang ito kung ang bawat kabataan ay maisasabuhay ang birtud na kailangan nilang magkaroon habang sila ay tumatanda.
Hangad ng Santo Papa na sa kanilang kabataan mabuo na ang kanilang tungkuling maging katuwang ni Kristo sa pagpapalaganap ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsasanay at paglinang. Sa ganitong paraan, ang mga kabataan ay magkakaroon ng pagkukusa upang akuin ang responsibilidad na kayang-kaya nilang gampanan.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Tumawag sa 6387285 at 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038