MAIBA lang ang usapan. Siguro napansin ninyo na mababa ang presyo ng gasolina ngayon. Sa totoo nga, hindi ko maalala kung kailan naging ganito kababa ang presyo ng gasolina. Ito na rin siguro ang isa sa mga dahilan ng matinding trapik. Marami ang gumagamit ng kanilang mga sasakyan. At patuloy pa rin ang pagbagsak ng presyo ng langis sa mundo. Kadalasan ay kapag bumabagsak ang presyo ng langis ay rumeresponde ang mga bansang may langis ng pagbawas ng produksyon, para makontrol ang presyo. Mas konti ang suplay, mas may presyo ang produkto. Pero hindi nila ito ginawa ngayon.
Ang paliwanag kung bakit patuloy ang pagbaba ng presyo ng langis ay dahil humina na rin ang pangangaila-ngan nito. China ang isa sa pinakamalakas kumunsumo ng langis, lalo noong simula ng bagong milenyo. Sumipa nga ang ekonomiya ng China dahil sa kanilang industriya. Sa laki ng bansang iyon, buhay na buhay ang mga bansang nagbebenta ng langis. Iba na ang kuwento ngayon.
Humina na ang China. Sa madaling salita, medyo nabawasan ang pagbili ng bansa ng langis, kaya sumobra naman ang suplay. At dahil napakataas na rin ng presyo ng langis noon, napilitan ang ilang bansa na maghanap ng kanilang sariling langis para hindi sila umaasa lamang sa mga bansa tulad ng Russia, Venezuela at mga bansang miyembro ng OPEC. May mga nagtagumpay, tulad ng Amerika at Canada. Ang nangyayari ay hindi na hawak ng OPEC sa leeg ang mundo.
Kung maganda naman ito para sa maraming bansa, nagiging problema naman ito para sa mga bansang nagbebenta ng langis. Mga ekonomiya naman nila ang humihina, sa peligrosong lebel pa nga. Sila naman ngayon ang nagkakaroon ng mga problema. Kaya naman may babala na rin ang mga eksperto sa industriya ng langis. Hindi rin kasi ito mananatili nang matagal. Ang tingin nga nila parang bumubuwelo lang at bigla na lang ito sisipa muli, kung saan ang buong mundo naman ang apektado. Hindi lang masabi kung kailan iyan mangyayari. Bilog nga naman ang mundo.
Napapansin ko lang na tila hindi naman nagmumura ang ilang bilihin na nakasalalay rin sa gasolina. Dapat mas mura na ang ilang pangunahing pangangailangan dahil mura na nga ang paghatid ng mga ito sa mga pabrika at tindahan. May debate pa rin kung gaano kababa ang dapat ibawas sa pamasahe, pati ang unang patak sa mga taxi. Kapag tumaas ang presyo ng gasolina noon, agad-agad ang pagtaas ng mga iyan, hindi ba?