PUWEDE tayong umangal sa pagtaas sa serbisyo ng tubig kung ang nagpapatakbo nito ay ang MWSS na isang ahensya ng gobyerno. Pero hindi na eh. Pribadong kompanya na.
Natalakay ko ang adjustment sa halaga ng tubig na binatikos ng ilang sektor na tumututol. Noong dekada ‘90, dumanas tayo ng napakatinding krisis sa tubig. Binigyan ng Kongreso ng poder si Presidente Ramos para isapribado ang MWSS para sagipin ang ahensya sa bilyong dolyar na utang at mapagbuti ang serbisyo. Sabi nga ng Maynilad, unawain naman ito dahil ito’y investors din at kailangang kumita sa ibinibigay na serbisyo.
Kinatigan ng arbitration panel ang rate adjustment na ipinatupad na naaayon sa nilagdaang kasunduan sa concession ng MWSS at Maynilad. Dalawang taong nabalam ang dagdag sa bayad sa tubig. Tinangka kasi ng MWSS na baguhin ang mga regulasyon na nasa kontrata na siyang sinusunod sa nakaraang labingpitong taon.
May kaunti mang pasanin ang taumbayan, ang dagdag-pondong malilikom ay magagamit sa programa para mapalawak ang serbisyo ng tubig, para hindi na bumili ng tingi-tingi ang ilan sa ating mga kababayan. Doon sa lugar naming sa Novaliches, may ilang lugar pa na hindi naseserbisyuhan ng tubig at umaasa lang sa mga nagrarasyon.
Anang Maynilad, ayon sa kontratang nilagdaan ng gobyerno, ang corporate income taxes ay sakop ang presyo ng tubig ng Maynilad at ang bumibili ng produkto ay laging siya ang nagbabayad ng buwis. Tulad din ng pagdating sa sahod ng empleyado, employer ang nagbabayad at may component ang suweldo na siyang ipinambabayad ng tax ng empleyado.
Sa tangkang baguhin ang kontrata, nais ng MWSS na ipapasan sa concessionaire ang corporate gayung ang pamahalaan mismo ang nagtadhana nito sa kontrata sa ginanap na bidding noong 1997. Para bang inalis ng employer ang component ng sweldo ng empleyado na pambayad ng buwis.
Hindi nga ba sa kasalukuyan, puwede na tayong mag-shower kahit nasa ituktok ng bahay ang bathroom, di katulad noon na kailangan pang mag-igib lagi? Bilyong piso ang halagang ginugugol ng Maynilad para sa improvement ng serbisyo na tinatamasa natin ngayon.