MALAKING isyu taon-taon ang bilyones na pondong inilalaan ng gobyerno sa confidential at intelligence funds o CIF.
Bukod ito doon sa milyones na alokasyon sa bawat ahensya at departamento na nasa General Appropriation Act (GAA) o national budget na ngayong taong 2015, P2.6 trilyong piso.
Sa 2015 ICF na P1.47 bilyong piso, Department of Interior and Local Government (DILG) ang may pinakamalaking alokasyon, P326 milyon. Sumunod ang National Defense, P269.4 milyon at pangatlo ang Department of Justice (DOJ), P212.8 milyong piso.
Pero ayon kay Budget Sec. Butch Abad, hihigpitan daw nila ang paglalabas at paggamit ng confidential at intelligence fund para masigurong hindi ito makurakot.
Mayroon daw mga panuntunan at pamantayang ginawa ang ‘key agencies’ ng gobyerno kung tawagin. Binubuo ito ng Department of Budget and Management (DBM), Commission on Audit (COA), DILG, DND at Governance Commission for GOCCs (GCG).
Maganda ang prinsipyong ito. Subalit, depende sa kung sinong nakaupo at hahawak ng milyones na alokasyon sa bawat departamento.
Inamin na rin mismo ni Sec. Abad, madaling abusuhin ang confidential at intelligence funds dahil hindi madaling matukoy kung saan ito ibinubuhos at inilalaan ng mga namumuno.
Tulad ng sinabi ko sa aking programa kahapon, malisyoso mag-isip ang BITAG Live. Baka kasi magkaroon na naman ng pagtatakipan sa paglustay ng pondo. Ilan kasi sa mga key agency na gumawa ng pamantayan at panuntunan may malaki ring alokasyon sa P1.47 bilyong ICF.
Marami nang naungkat na mga kontrobersiya. Na kapag mangilan-ngilan at sila-sila lang ang nakakaalam kung saan napupunta ang pera ng taumbayan, dito nagkakaroon ng mga iregularidad at katiwalian.
Sa mga kaganapang ito, sana natuto na ang taumbayan. Magbantay, magbantay.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.