ABALANG-ABALA ang lahat na involved sa paghahanda para sa pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas sa Enero 15.
Si President Aquino nga mismo ang namumuno sa preparasyon para na rin sa limang araw na pamamalagi ng Santo Papa sa bansa.
Tiniyak ng Presidente na hindi malulusutan ang ating security officials sa pagbabantay sa Santo Papa lalo na sa inaasahang milyong tao ang dadagsa sa mga areas kung saan siya magdaraos ng Holy Mass.
Ganun din katindi ang paghahanda na ginawa sa Tacloban City na kung saan dadako rin si Pope Francis upang makasama at makahalubilo ang mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.
Ngunit hindi gaya noong pagbisita ni Pope John Paul II sa bansa noong 1981 na kung saan dumaan siya rito sa Davao CIty, sa pagkakataong ito hindi kasali ang Mindanao sa itinerary ni Pope Francis.
Siguro naman hindi kaila kung gaano kahalaga ang Mindanao sa kung ano ang buong bansa. At ang Pilipinas ay hindi lang ang Metro Manila o Visayas man lang.
Sana naman sa mga nagpapasa o nagsusumite ng input para sa panalangin ng Santo Papa habang nandito siya sa bansa ay maisali naman ninyo ang Mindanao sa mga nais ninyong panalanginan ni Pope Francis.
Ang panalangin para sa kapayapaan ng Mindanao ay mahalagang masambit ng Santo Papa sa mga Holy Mass niya habang nandito siya sa bansa.