NASA balita na naman ang New Bilibid Prisons. At tuwing nasa balita, alam mong hindi maganda. Una, isang granada ang sumabog sa labas ng gusali na kinalalagyan ng karamihan ng miyembro ng Commando Gang. Nasa maximum security compound ang nasabing gusali. Isa ang nasawi habang labinsiyam ang sugatan, dalawa kritikal. Hindi pa alam kung sino ang magpasabog ng granada, pero may hinala na ang tangkang patayin ay isang high-profile na bilanggo. Wala ang nasabing target nang maganap ang pagsabog. Ganun pa man, matagumpay ang pasabog.
Ang tanong dito ay, matapos ang ilang beses na raid sa NBP para sa mga kontrabandong gamit, bakit may nakapuslit ng granada sa loob ng maximum security compound? Wala pa rin ba sa kontrol ng mga walang silbing opisyal ng NBP ang bilanggo? Kahit wala na ang sinasabing labinsiyam na VIP sa Bilibid, may mga naiwang mga VIP pa rin ba na nagpapatakbo ng bilangguan? Talagang walang takot ang mga kriminal na ito at sa loob pa ng NBP nagpapasabog ng granada.
Pangalawa, tuluyang sinbak ang isang opisyal ng NBP, si Supt. Catalino Malinao, assistant superintendent for reformation and administration. Napatunayang nakialam sa pag-inspeksyon at pag-imbistiga sa selda ng isang bilanggo. Nahulihan ng laptop at iba pang kagamitan sa selda ni David Allen Uy na nakapangalan umano kay Malinao. Sa madaling salita, pag-aari ng gobyerno ang mga kagamitan, pero gamit-gamit o pinagamit sa bilanggo. Kinuha niya ang mga kagamitan at sinabing huwag na isama sa kanilang imbistigasyon.
Kung dito pa lang ay nasisibak na, paano pa ang mga opisyal na nagbigay ng pahintulot sa ilang mga VIP na magpasok ng mga kontrabandong kagamitan? Na mamuhay daig pa ang mga malalaya’t makatarungang mamamayan? Hindi ba dapat masibak na rin sila? Hindi ba dapat ay masibak na lahat, at ayan na nga, nagpapatayan na ang mga grupong nasa loob ng NBP at tila wala silang magawa, o wala silang ginagawa? Hindi ba patunay na walang kakontrol-kontrol ang mga opisyal at tauhan ng NBP sa bilangguan, kung granada ay nakakapasok?