KAPAG sinaway mo ang isang tao at patuloy pang hindi nakikinig sa’yo magsasawa ka nang manita. Masasabi mo dahil sa pagod na suko ka na…
“Paulit-ulit siya sa pambabae niya. Yung huling nakarelasyon niya hindi ko na pinag-aksayahan ng panahong kilalanin,” panimula ni ‘Grace’.
Mula Caloocan City nagsadya sa aming tanggapan si Marry Grace Pascual o “Grace”, 31 taong gulang.
Siyam na taon ng kasal si Grace kay Roberto Pascual Jr., kung tawagin ay “Hapon” kung minsan “Japs” dahil siya’y singkit.
Tulad ng ibang relasyon maganda ang simula ng kwento ng pag-iibigan ni Grace at Japs. Naalala pa ni Grace kung paano sila unang nagkakilala…
Pareho silang nasa kolehiyo nun. Third Year College si Grace sa University of Caloocan City, kumukuha siya ng kursong BSE, Secondary Education. Si Japs naman nag-aaral sa Fatima, Valenzuela ng Hotel and Restaurant Management.
Taong 2003, inimbitahan si Grace ng kaklase sa binyag ng kanyang pamangkin. Imbitado rin si Japs, dito sila unang nagkita. Singkit, maputi at mukhang ‘Japanese’. Ganito sinalarawan ni Grace si Japs.
“Tinanong niya ang cellphone number ko. Ibinigay ko naman. Naging mag-textmates kami hanggang nanligaw siya sa akin,” ani Grace.
Sinagot siya ni Grace sa text. Simula nun sinusundo na siya nito sa eskwelahan. Nagtagal ang kanilang relasyon hanggang sa mabuntis si Grace nung taong 2005. Agad silang ikinasal sa simbahan.
Huminto ng pag-aaral si Grace subalit ng makapanganak tinapos niya ang kurso habang isang semester na lang sana huminto pa si Japs. Nagtrabaho na ito bilang ‘crew’ sa iba’t-ibang fast food chains.
Pagka-graduate ni Grace, nagtrabaho naman siya sa mga ahensya. Dati silang pumasok ni Japs sa isang Load distributor-Meycauayan Branch bilang staff. Dito niya unang nahuli ang kapilyuhan umano ng mister.
Nabasa niya sa ‘inbox’ ni Japs ang texts na may katawagan siyang “Baby”. “Mahal ang tawag niya sa’kin kaya kinumpronta ko agad siya,” aniya.
Sa pagtatanong ni Grace nalaman niyang ang babae kinalolokohan ng mister ay tauhan pala sa katapat lang na food chain ng kanilang loading station.
Nalaman ni Grace na dati pa lang nagpa-load ang babae sa kanila. Si Japs ang bantay nun. Kinuha niya ang inilistang number ng babaeng nakilala niyang ‘Gege’.
Pinuntahan nila ni Japs ang babae at pinaturo mismo sa mister kung sino si Gege. Agad namang umiwas ang babae at nagpunta sa kusina.
Ginawa ni Grace ang lahat para paglayuin ang dalawa. Tinext niya si Gege at nagpakilalang misis ni Japs. Nangako naman itong iiwas na subalit giit niya binata ang pakilala sa kanya nito.
“Hindi ako nakuntento at tinext ko ang kapatid ni Gege,” ani Grace.
Kahit anong pagbabantay ni Grace, tumatakas pa rin si Japs kaya’t dinaan na niya sa barangay ang usapin, Sa takot ng babae na magreklamo siya ibinalik nito ang sim card na libre pa lang ibinigay ni Japs at niloloadan pa niya araw-araw.
“Lumipat na din kami ng bahay sa Caloocan na kami pumunta sa puder ko,” ani Grace.
Natigil ang relasyon ni Japs at Gege subalit ayaw naman nito paawat sa pag-inom at pagigimik kasama ang mga kaibigan. Hinayaan na lang siya ni Grace. Nung taong 2008, nagdesisyon si Japs na magtrabaho bilang waiter sa isang catering services sa Dubai.
Tatlong araw bago umalis si Japs, ibinalita sa kanya ng bilas na may babae na naman umano ito. Nakilala raw nila ito ng mag-inuman sila sa Bulacan.
Hindi na bago kay Grace ang balita kaya’t binaliwala na lang niya.
“Hindi na ako nagtanong kung sino ang babae. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon…” ayon kay Grace.
Ganito man nung simula, kinumpronta pa rin niya si Japs subalit hindi naman ito umamin. Nang hindi na makapagpigil, tinext rin ni Grace ang babae at umamin na ito. “Natapos din relasyon nila. Nanahimik na lang ako,” ani Grace.
Nagpapadala ng halagang P4,000 kada buwan si Japs. Hindi na umangal si Grace hanggang sa umuwi si Japs nung taong 2011.
“Sa amin pa rin naman siya umuuwi pero hindi na maganda samahan namin,” ayon kay Grace.
Pagbalik niya sa Dubai, dito na huminto ng padala si Japs hanggang sa kasalukuyan. Setyembre 2014, nagbigay ng P5,000 si Japs pampagamot ng kanilang anak subalit hindi na umano ito naulit pa.
Alam ni Grace na posibleng may ibang babae na dun ang mister. Nung nakaraang taon daw kasi nakita niya sa facebook ang larawan ni Japs na may kasamang babae. “Nakadantay sa kanya yung babae…sweet-sweetan lang sila,” nangingiti na lang sabi ni Grace.
Sa ngayon hindi na nagpaparamdam si Japs. Naka-block na rin daw siya sa kanyang facebook. Hindi na umaasa si Grace na maayos silang mag-asawa subalit kahilingan niya, sustentuhan naman ni Japs ang kanilang anak.
“Nakapasa na ako sa licensure examination for Teachers pero dahil 5 years na iba ang naging linya ng trabaho ko, kailangang kong mag-refresh. Kaya sana matulungan niya ako sa pagpapalaki sa anak namin,” ani Grace.
Ito ang dahilan ng pagpunta ni Grace sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, naiintindihan namin si Grace kung bakit nagagawa na lang niyang ngitian ang umano’y pambabae nitong si Japs. Kung totoo nga lahat ng kanyang sinabi, marahil pagod na siya.
Para matulungan si Grace, i-email namin kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang hinaing niya para maiparating ito sa ating embahada sa Dubai, maipatawag at palalaahan si Japs sa naiwang responsibilidad sa Pilipinas.
Dahil 2011 pa ang huling alis ni Japs at sa pagpunta ni Grace sa Philippine Overseas and Employment Administration nakita niya sa talaan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na itong si Japs ay hindi nakakabalik ng bansa tiyak ngayon darating na taon uuwi na ito na sa Pilipinas para um-exit para hindi makasuhan ng ‘overstaying’. Pagdating dito ni Japs at hindi pa rin sila nagkasundo ni Grace sa pagsusuporta sa kanilang anak, tutulungan namin siya na magsampa ng kasong R.A 9262, Violence Against Women and their Children (VAWC). (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038