AYON kay acting PNP Chief Gen. Espina, mas mahirap pa ang security para sa Santo Papa kaysa kay US President Barack Obama noong bumisita sa bansa noong Abril. Sa isang miting na nagtagal ng apat na oras, ang President Aquino ay nagpahayag na dagdagan at paigtingin pa ang seguridad ni Pope Francis. Ilang buwan na ring naghahanda ang buong PNP para sa pagdating ni Pope Francis sa darating na linggo. Limang araw ang opisyal na pagdalaw ng Santo Papa sa bansa, at ilang mataong lugar ang patutu-nguhan, kaya ang pagbantay sa kanya ay prioridad ng PNP. Libo-libong pulis, pati na rin mga sundalo ay nakahanda nang bantayan siya.
Kilalang mapagbigay rin kasi si Pope Francis sa mga gustong lumapit sa kanya, at pumapayag pa na magpa-kuha ng mga “selfie”, isang bagay na pinangangambahan ng PNP. Kaya sana ay maintindihan ng tao kung magiging mahigpit ang mga pulis kung sakaling may lumapit sa Santo Papa. Maglalagay ng mga konkretong harang sa Roxas Blvd. para sa pagdating niya sa Huwebes. Ilang kalsada ang sarado rin para sa kanya. May mga kanseladong lipad sa NAIA.
Hindi rin kasi malayo ang peligro sa pinuno ng Simba-hang Katolika. Noong 1981 ay may nagtangkang patayin si Pope John Paul II sa Vatican mismo. Nakalapit si Mehmet Ali Agca sa kanya at binaril ng apat na beses. Mabuti at naitakbo siya kaagad sa ospital at naligtas ang kanyang buhay. Pinatawaran ni Pope John Paul II si Agca, at itong Disyembre ay dumalaw pa ang malayang Agca sa libingan niya at nag-alay ng rosas. Noong mga unang panahon ng Kristiyanismo, puno ang kasaysayan ng mga Santo Papa na minartir dahil sa kanilang paniniwala, pinatay para sa iba’t ibang dahilan, o hinalang pinatay. Ang biglaang pagkamatay ni Pope John Paul I higit isang buwan pa lamang sa kanyang pagiging Santo Papa ay ehemplo nito. Sari-saring “conspiracy theories” ang lumutang nang mamatay si Pope John Paul I.
Walang may gustong maulit ang mga ganyang insidente, kaya tama lang ang paghahanda at pag-iingat ng mga otoridad. Inaasahang marami ang gustong makita at makalapit sa Santo Papa.