‘911 sa Pinas?’

HINDI ko alam kung nagpapapansin ba o nagpapasikat lang para makapag-iwan ng recall o tatak sa isipan ng publiko si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas.

Magiging operasyunal na daw kasi ‘yung matagal ko nang tinatalakay sa aking programang BITAG Live na national emergency number na kung tawagin sa Amerika,central communication system o 911.

Dito itinatawag ng mga distressed caller o nanganga­ilangan ng tulong ang kanilang sumbong mapa-pulis man, medikal o sunog para agarang marespondehan.

Hindi na ito bago. Halos tatlong taon ko na itong parang sirang plakang tinatalakay sa telebisyon at radyo maging sa kolum na ito. Pero mabuti na rin at nagsasalita na ngayon si Sec. Roxas.

Nitong nakaraang taon kasi, nilalait ito ng mismong kalihim. Nobenta porsyento (90%) daw kasi sa mga tumatawag ay prankster.

Pero ngayon, mukhang seryoso na ang kaniyang tanggapan. Katunayan, ngayong taong 2015 daw, gagana na ito para mapababa ang kriminalidad.

Subalit hindi niya ito tinawag na central communication system. Ito daw ay national emergency number.

Para sa BITAG Live, dapat naman talaga, noon pa, mayroon nang crime prevention infrastructure o central communication system sa bansa.

Tulad sa Estados Unidos, lahat ng tawag, na ibinabato sa headquarters ng pulisya namo-monitor sa bawat distrito, presinto, sub-precincts at barangay para narerespondehan ng kung sinumang may hurisdiksyon sa tinutukoy na lugar.

Ganito ang set up ng kanilang law enforcement. Alam ito ng BITAG Team Ride Along na taunang nagdodo-kumento sa California.

Kung maisasakatuparan  ang sinasabi ni Sec. Roxas na national emergency hotline na ayaw niyang tawaging 911, isama na ang pagdaragdag ng mga kagamitan tulad ng mga 2-way radio, baril at hindi pupugak-pugak na mga patrol car na may suplay ng gasolina tiyak, magdadalawang-isip muna ang mga demonyo sa lupa bago gumawa ng katarantaduhan.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments