HINDI pa man New Year, pumutok na ng napakaingay ang bomba sa Bilibid. Maski sa bansang tulad natin na hindi na nagugulat sa iskandalo, mayorya pa rin ang nabahala sa mga nadiskubreng abuso sa loob ng pambansang kulungan.
Ang agarang reaksyon ng publiko ay ang mga tawag na ibalik ang bitay o ang death penalty. Malinaw na hindi epektibo ang pagkakakulong upang magdalawang isip ang mga nagtatangkang magkasala. Sino ang masisindak sa pagkapiit sa Bilibid gayong andyan ang posibilidad na buhay hari din ang sasalubong sa iyo? Ano ang saysay ng parusa sa isang lugar kung saan hindi naiintindihan ang salitang ito? Matapos mabulgar ang mga luho ng mga high-profile prisoners, heto at sinundan ng attempted rape of a minor doon mismo sa loob ng Bilibid! Kung hindi nako-“correct” ng correctional institution ang mga bilanggo, baka ibang paraan ang kailangan. Kaya bumabangon muli ang tsansa ng death penalty na maibalik sa libro ng ating mga batas.
Subalit may iba pang usaping kailangang bisitahin ngayong nangyaring muli ang ganitong abuso sa Bilibid. Oo, “muli” – dahil hindi ito unang beses nangyari. Maalalang sa ilalim ng pamamahala ni Justice Sec. Leila de Lima kung saan napapailalim ang Bureau of Corrections (BuCor), ito na ang pangatlong iskandalo na hindi niya napigilan. Una ay ang pagpuslit ni Gov. Tony Leviste at ang kanya ring espesyal na kubol; pangalawa’y ang pagtakas ni Rolito Go.
Kapwa nagbitiw ang BuCor Directors na sina Totoy Diokno at Gaudencio Pangilinan sa pagkilala sa kanilang command responsibility, na mismong si De Lima ang nagtulak dahil sa kanilang pagkukulang bilang superior officers.
Subalit sa nangyari ngayon sa ilalim ni Director Franklin Bucayu, hindi na matatakbuhan ni De Lima ang paratang na dapat siya na ang managot sa paulit-ulit na kapalpakan ng kanyang mga tauhan. Lalo na’t itong si Bucayu ay si De Lima mismo ang nagrekomenda na tinawag pa niyang hudyat ng pagbabago sa bulok na sistema.