HINDI lang sa isyu ng kuryente hilo si Presidente Noynoy Aquino, kundi pati sa roadwork at railways. Kasi, tulad ng panloloko sa kanya ni Energy Sec. Jericho Petilla, inuunggoy din si P-Noy nina Public Works Sec. Rogelio Singson at Transport Sec. Joseph Emilio Abaya.
Ipinagmalaki nitong linggo ni Singson na sisimulan sa tag-init ng 2015 ang asphalt overlaying ng 23 kilometro ng EDSA, pinaka-artery ng Kamaynilaan. Aabutin daw ng P3.74 bilyon ang gastos dahil gagamit ng high-grade asphalt mula sa Singapore.
Ano raw, P3.74 bilyon? Aba’y pumapatak ito sa mahigit P162 milyon kada kilometro. Teka muna. Hindi ba’t ang asphalt-overlaying budget ng Dept. of Public Works and Highways kada kilometro ng two-lane highway ay P10 milyon? Kung gan’un, e di dapat ang budget kada kilometro ng ten-lane EDSA, na limang ulit ang lapad, ay P50 milyon. E bakit ang costing ni Singson ay P162 milyon-plus, mahigit tatlong beses, o 300%, ang laki kaysa makatarungang P50 milyon?
Ang palusot marahil ni Singson ay dahil imported from Singapore ang aspalto. Pero bakit pa mag-i-import? Di ba’t nu’ng 2013 binalak ni Singson i-asphalt overlay ang EDSA na kasing patag ng North at South Luzon Expressways? E local Philippine asphalt lang ang ginamit sa dalawang magagandang highways.
Samantala, humihingi si Transport Sec. Joseph Emilio Abaya ng P54 bilyon para mapasakamay umano ng gobyerno ang MRT-3. Ito raw ang halaga para bilhin ang sira-sirang railway mula sa pribadong builder-owner na Metro Rail Transit Corp. Kaululan ito. Una, hindi naman pinagbibili ng MRTC ang railway. Pangalawa, ang P54 bilyon ay para lamang sa economic rights, hindi equity rights. Malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Ang equity ay pag-aari mismo. Ang economic rights ay para lamang pagkitaan ng gobyerno ang MRT-3 premises ng upa -- halimbawa ng tindahan o ng advertising.