BAGAY na nawaglit sa paningin, saan sulok man hahanapin.
“Pinagbintangan siyang namukpok at patay daw ang tao. Wala naman kaming nakaharap na nagrereklamong pamilya tungkol dun,” pahayag ni Leonora.
Bagamat may kahinaan ang pandinig ni Leonora nagpumilit pa rin siyang magsadya sa aming tanggapan kasama ng kanyang asawang si Antonio upang humingi ng tulong na mahanap ang kanyang anak.
May karamdaman sa pag-iisip ang anak ni Leonora Adorna, 51 taong gulang, taga Novaliches, Quezon City na si Jerome-24.
“Hindi nila maintindihan na may sakit ang anak ko. May pagkakataon pang binato nila ang bintana namin at ako ang tinamaan. Nagreklamo kami sa barangay pero anak ko pa ang nakulong dahil sa may dala raw kutsilyo,” kwento ni Leonora.
Natapos lang daw ang usaping yun nang pag-ayusin sila sa barangay. Sa kalagayang ito ng anak halos araw-araw silang nakakarinig umano ng pagbabanta na papatayin ang kanyang anak dahil perwisyo ito.
Kwento ni Leonora ika-12 ng Oktubre 2014 nang umakyat sa puno ng mangga si Jerome. May nag-iinuman malapit sa may baba nito. Nahulog ni Jerome ang hawak na kahoy at dumausdos malapit sa mga ito.
“Uno por dos yung hawak niya. Sa bakuran lang din naman namin nahulog. Lumabas kaagad ang asawa ko dahil akala si Jerome ang nalaglag,” wika ni Leonora.
Iginigiit daw ng mga taong nag-iinuman na ibinato ito ni Jerome sa kanila. Pilit siyang pinabababa at pinagmumura umano. Maging si Leonora ay naduro raw ng mga ito. Upang makaiwas pinatira sa kapatid nito si Jerome dahil sa mga nagbabanta.
Aminado silang natatakot kay Jerome ang mga batang nandun kaya’t nagagalit ang mga kapitbahay.
“Hindi naman nananakit ang anak ko. Nagagalit lang siya kapag hindi nabigyan ng sigarilyo pero wala pa yung nasasaktan sa lugar namin,” ayon kay Leonora.
Maayos naman daw ang pag-iisip ng kanyang anak dati. Nagtatrabaho pa ito sa kontraksiyon. Nagkaroon ng kinakasama at may kambal na anak. Nabarkada lang sa mga may masamang bisyo kaya nawala sa tamang pag-iisip.
“Gumagamit na siya ng droga kaya’t naapektuhan na ang pag-iisip. Dumating pa sa puntong nag-aaway na sila ng asawa niya kaya’t iniwan siya,” ayon kay Leonora.
Nung madalas ng sumisigaw at nagwawala si Jerome dinala na nina Leonora sa National Center for Mental Health ito noong Hulyo 9, 2013. Isang linggo itong nanatili sa pagamutan at agad ding pinalabas.
“Niresetahan lang siya ng gamot para manatili siyang kalmado. Pabisi-bisita na lang kami sa ospital para magpa-check-up (out patient). Hindi naman namin kaya ang bumili ng gamot palagi kaya’t bihira lang siyang nakakainom,” salaysay ni Leonora.
Ika-14 ng Okktubre 2014 bandang alas diyes ng umaga may bumisitang pulis sa kanilang bahay. Hinahanap ng mga ito si Jerome dahil may pinalo raw ito ng tubo nung nagdaang gabi.
“Ipinagtataka ko kung totoong ginawa yun ng anak ko bakit hindi nila hinuli kaagad gayung tumambay pa yun dun sa may tulay para manigarilyo. Hindi naman namin alam kung saan nagpunta dahil ugali na nung magpalakad-lakad,” pahayag ni Leonora.
Ayon pa sa balita patay daw ang napukpok at iniuwi na sa Bicol ang bangkay.
Oktubre 16, 2014 nang makita ng nakababatang kapatid si Jerome sa isang lugawan. Agad siyang tumakbo pauwi para ipaalam sa mga magulang na nandun si Jerome.
“Pagdating ng asawa kong si Antonio wala na run si Jerome. Hindi din agad nilapitan ng isa kong anak dahil baka siya saktan. Sa aming mag-asawa lang kasi sumusunod yun,” pahayag ni Leonora.
Dagdag pa ni Leonora kung sakaling may nagawang masama ang anak hindi nila ito pagtatakpan. Hiling lang din nila, may karamdaman sa pag-iisip si Jerome kaya’t unawain sana nila ito.
Nagpaskil ng mga larawan ni Jerome sina Leonora sa kanilang lugar. Nagbabakasakaling may nakakita rito at maipagbigay-alam sa kanila.
“May isang nagtanggal ng litrato ng anak ko at sumenyas na wala na raw yan. Nagalit ang anak kong babae dahil hinahanap namin. Sabay sabing joke lang,” ayon kay Leonora.
Humingi rin sila ng ilang dokumento sa pulis tungkol sa sinasabing namatay dahil sa pamamalo ng kanyang anak ngunit wala naman daw maibigay sa kanila.
Wala rin taong humarap sa kanila bilang nagrereklamo. Humihingi ng tulong sina Leonora para mahanap ang anak.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Leonora.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi namin masisisi ang mga magulang ng mga batang nagagalit kina Leonora. Ang taong may karamdaman sa pag-iisip kahit kausapin mo ng mabuti hindi ka niya papansinin. Alam naman naming nag-aalala lang sila sa kaligtasan ng kanilang anak.
Kung meron dapat sisihin ay ang napabayaan si Jerome na sumama sa barkada na gumagamit ng droga.
Nung nalaman nila dapat ipinasok nila ito agad sa ‘rehabilitation center’.
Kung si Jerome ay gumala at hindi na makabalik, ang sinumang makakakita sa kanya ay ibibigay siya sa barangay at ang Punong Baranggay naman ay dadalhin sila sa National Center for Mental Health.
Nagkaroon na kami ng ganitong kaso kung saan sa rami ng mga pasyente na gumagala sa loob ng ospital, dapat tiyagain ang paghanap sa kanya sa loob ng ospital
Bilang tulong kay Leonora inirefer namin siya kay Mayor Benjamin Abalos Jr. ng Mandaluyong City.
Ang magandang dulo ng kasong ito ay nang makatanggap kami ng balita mula kay Leonora.
Ika-30 ng Disyembre 2014 nang mag-text sa amin si Leonora. Natagpuan na raw nila si Jerome sa National Center for Mental Health. Ayon pa sa kanyang nakausap may nagdala raw doon kay Jerome dahil nakita ito sa may Caloocan.
“Napansin daw na wala sa ayos ang kilos niya. Marami pong salamat sa tulong ninyo. Hindi ko po talaga akalain na mapupunta siya doon,” pahayag ni Leonora.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038