KUNG magkulang ang supply ng kuryente sa tag-init ng 2015, dapat umano sisihin si Sen. Sergio Osmeña III. ‘Yan ang pahayag ni President Noynoy Aquino. At diyan makikita na hilo siya sa isyu -- dahil pinaglololoko siya ng kapartido Liberal na Energy Sec. Jericho Petilla.
Humihingi si P-Noy ng “extraordinary powers” para lutasin ang umano’y napipintong shortage sa summer. Ayaw itong ibigay ni Osmeña bilang chairman ng joint congressional oversight committee on energy. At malinaw kung bakit atubili si Osmeña sa “dagdag-poder”:
Una, hindi naman matiyak ni Petilla kung meron nga o walang shortage. Nu’ng Marso-Abril 2014 tinuya pa nga ni Petilla si Osmeña sa pagsabi ng huli na magkukulang ang kuryente kung mananatiling mabagal ang gobyerno sa pag-imbita at apruba ng bagong investors sa power generation plants. Pero makalipas ang ilang buwan, nu’ng Hunyo-Hulyo, nag-forecast na si Petilla mismo ng shortage.
Ikalawa, ang unang forecast ni Petilla na shortage ay 340 megawatts lang -- kayang-kaya punuan ng isang bagong ma-laking planta, o ng isang bagong maliit sabay sa rehabilitasyon nang maraming lumang planta. Kontra ni Osmeña, maaring doble nu’n, 700 megawatts, ang maging kakulangan. Muli tinuya siya ni Petilla nu’ng simula, tapos naglabas ito ng bagong forecast na maaring sumirit pa sa 1,300 megawatts ang kakulangan. Parang nag-iimbento ng numero!
Sa lahat ng ito, ani Osmeña at investors, hindi dagdag-poder ang kailangan ni P-Noy, kundi bawas-pirma sa pag-apruba ng isang bagong planta. Aba’y umaabot sa 150-160 pirma ng iba’t ibang opisyales ng iba’t ibang ahensiya ang panahon ng aplikasyon. Marami sa mga pumipirma ay nakasahod pa ang mga palad sa suhol. Malinaw ang kailangan ni P-Noy; imbis na poder, ay katalinuhan sa pamamahala ng burokrasya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).