WA-EPEK sa mga pistolero ang babala ni Acting PNP chief Leonardo Espina matapos makapagtala ng may 15 stray bullet noong New Year. Umusok ang tumbong ni Espina matapos matanggap ang balitang isang Grade IV pupil sa Abra ang napabilang sa may 15 stray bullet incident noong Bagong Taon. Kaya inalpasan na ni Espina ang kanyang special action policemen sa Camp Crame at maging sa mga Regional Police Office upang suyurin ang mga lugar na pinaghihinalaang pinagmulan ng bala. Sa tingin ko seryoso si Espina na mahabol ang mga iresponsableng pistolero dahil dito nakasalalay ang kanyang kredibilidad bilang hepe ng Philippine National Police ngayon. Noong mapatay si Stephanie Nicole Ella ng Barangay Tala, Caloocan City halos napuno ng pulis ang bahay ng mga Ella dahil personal na dumalaw doon si PNP chief Allan Purisima dala ang top caliber officials ng PNP kasama rin doon siyempre si Espina na hepe ng National Capital Region Police Office.
Ngunit lumipas na ang taon hanggang sa masuspinde nga si Purisima ay hindi pa naibigay ang hustisya kay Nicole. Paano nga kasi mas maraming malalaking kahihiyan ang kumulapol sa imahe ng PNP katulad na lamang ng pamamayagpag ng riding-in-tandem criminals sa lahat ng sulok ng Metro Manila, EDSA hulidap na kinasangkutan ng mga police Quezon City, MPD-AnCar extortion, Las Pinas police kidnapping at ang pagbebenta umano ng baril sa mga rebeldeng New Peoples Army, hehehe! Malaking insulto ito Espina kung matutulad kay Nicole ang sinapit ng mga tinamaan ng bala noong bagong taon dahil may karanasan na siya sa puro press release niPurisima hanggang sa makalimutan na ng taumbayan. Kaya siya na mismo ang nagpapakilos ng kanyang mga dooberman sa Camp Crame, NCRPO at Regional Police Office sa pagtugis ng mga iresponsableng gun owner sa bansa.
Maganda naman ang resulta dahil sa ngayon unti-unti nang nalalambat ang mga pestolero matapos na inguso ng ilang kababayan natin na may malasakit sa kapwa. Bilang paunang sargo ng kamandag ni Espina ay itong si PO3 Rommel Mitra na sinampahan na ng kaso sa piskalya ng Quezon City. Sa Makati City naman ay nalambat ang security guard na si Michael Sobrepena matapos na inguso ng ating kababayan, hindi naka-porma si Sobrepena matapos na suriin ang kanyang caliber 38 ay nakita ang apat na basyo, patunay ito na ipinutok niya ang kanyang baril noong Bagong taon.
Ilan lamang iyan mga suki na inyong aabangan dahil isisiwalat ko ang mga pangalan nila oras na masampahan na sila ng kaso sa husgado. Abangan!