Wagi sa tropeo sa takilya talo

SA katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF), itinanghal na best picture ang pelikulang Bonifacio,Unang Pangulo na pinagbidahan ni Robin Padilla at humakot ng katakutakot na awards.

Pero ang nakalulungkot lang ay mas pinanood ng taumbayan ang pelikulang nagtataguyod ng kabaklaan. Ibig sabihin ay hindi pa rin tumataas ang antas ng panlasa ng madlang manonood.

Nakalulungkot na ang isang historically relevant movie tulad ng Bonifacio ay hindi pumatok sa takilya kahit may dulot na mahalagang aral at kamulatang pangkasaysayan sa ating mga bagong sibol na kabataan. Kailangan siguro ay ma-motivate pa nang husto ang mga movie producers na gumawa ng ganyang uri ng mga pelikula para hindi makalimutan ng bagong kabataan ang ating kasaysayan at kultura.

Gayunpaman, dapat na ring pasalamatan ang mga hurado sa filmfest sa pagkilala sa isang makabuluhang pelikula tulad ng Bonifacio. Pero kung ikaw ay producer ng pelikula, sasabihin mo siguro mas importante ang kitang hahakutin kaysa mga tropeong tatanggapin.

Oo nga naman. Dahil namuhunan ka ng malaki, kaila­ngan naman may balik ang iyong investment  kasama ang tubo. Pero ang punto ko lang, siguro’y dapat makipag­tulungan sa magandang adhikain ang mga movie produ­cers. Kung ang lahat ay gagawa ng mga pelikulang maka­buluhan upang walang ibang mapagpipilian ang madlang nanonood, sa tingin ko’y tataas ang kalidad ng mga pelikula pati na ang kanilang “taste” o panlasa.

Sa pagtaas ng antas ng panlasa ng taumbayan nakasalalay ang ating political maturity. Bakit? Hindi nga ba maging sa pagpili ng mga kandidato, mas malamang lumabas ang mga kandidatong iniidolo dahil sa pagiging artista?

Ang Bonifacio  ay nag-uwi ng siyam na awards, kasama ang  Best Picture, Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, at Youth’s Choice Award.  Pero ang sabi ko nga, ang pinaka-importanteng award ay ang pagtangkilik ng publiko sa pelikula.

Show comments