NAKITA niya ang anak habang pinaglalaruan ang susi ng pampasadang traysikel sa kanyang mga daliri.
“Oh… Nak, ‘di ba’t patay ka na?” tanong ni ‘Rosario’.
“Hindi Nay! Nasa bundok kami masarap dito presko,” sagot sa kanya ng anak.
Sa panaginip ng inang si Rosario ganito ang tagpo. Nakakausap niya ang anak, nahahaplos… na parang buhay na buhay subalit sa pagmulat niya babalik siya realidad at katotohanang magtatatlong taon ng patay ang anak niyang si ‘Mark’. Kung ihahambing mo sa isang awit, akma ang kantang ‘Duon Lang’ na inawit ni Nonoy Zuniga at ginamit ni DA KING na si FPJ sa isang pelikula.
Nagbalik sa aming tanggapan si Rosario Torres, 56 anyos ng Noveleta, Cavite. Taong 2012 nung unang magpunta sa amin si Rosario para tulungan siyang makamit ang hustisya sa pagkamatay ng kanyang anak na si Mark Torres---noo’y 20 taong gulang, traysikel drayber.
Ilang beses na naming naisulat ang sinapit ni Mark sa aming pitak sa diaryo. Amin itong pinamagatang, “Dubai ang putok, Cavite ang tama(?)” kung saan tinuturo si Sherman Aquino na siya umanong namaril dito kay Mark.
Ang pakikipagrelasyon daw ni Mark sa misis ni Sherman ang tinuturong dahilan nila Rosario kung bakit pinagplanuhan umanong patayin ang anak.
“Nung mag-inuman sila sa Dabarkads kasama ang kapatid ni Sherman na si Cecille nagpakilalang alyas ‘Shane’ inabangan na siya,” ani Rosario.
Sa isang pagbabalik tanaw, nagpahatid si Shane dito kay Mark. Pagbaba niya, ilang kanto lang ang nilampasan ng traysikel isang ‘single motor’ na may lulang lalake ang sumulpot sa likuran nila. Bigla na lang pinagbabaril si Mark.
“Kinilala ng kasama niyang si Lino si Sherman na siyang bumaril sa anak ko,” ayon kay Rosario.
PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, kinuha namin ang panig ni Sherman sa kasong kinakaharap at kanyang tinanggi ang binibintang sa kanya.
“Sir, nasira ang pangalan ko… ‘Di ako mamamatay tao. Wala akong alam sa binibintang sa akin at wala rin akong alam sa batas,” sabi ni Sherman ng tumawag siya sa’min habang siya’y nasa bansang United Arab Emirates (UAE).
Dagdag pa niya Enero 11, 2011 pa lang nasa UAE na daw siya kaya’t imposible lahat ng binabato sa kanya subalit hindi niya tinangging nakarating sa kanya ang pagkakaroon ng relasyon ng kanyang asawa at ni Mark.
Pinalampas niya daw ito dahil hindi naman daw siya perpekto at 10 taon na silang nagsasama.
Maging ang kapatid niya si Shane tinanggi na sangkot sa pagkamatay ni Mark.
Nagsampa pa rin ng kasong Murder ang pamilya Torres laban kay Sherman. Nagkaroon ng pagdinig ng kaso sa Prosecutor’s Office Trece Martires City. Disyembre 2012, naibaba ng Branch 23, Trece Matires ang ‘Warrant of Arrest’ para kay Sherman Aquino para sa kasong Murder.
Tinulungan din namin si Rosario na magsampa ng Motion for Issuance of Hold Departure (HDO) para kay Sherman Aquino subalit nakapagbakasyon pa si Sherwin sa Pinas ng hindi nahuhuli at nakabalik ng Middle East nung buwan ng Pebrero 2013. Agad nagbalik sa amin si Rosario ng malaman ito.
Mula nun hindi matanggap ni Rosario at ng buo niyang pamilya kung paano nakalusot sa Immigration Officers itong si Sherman.
Kung ‘di pa sapat ang mailap na hustisyang gustong makuhang pilit ni Rosario, nitong Nobyembre 14, 2014 nagbalik sa amin si Rosario.
Bago pa ng pestang ito, nagtungo na sa amin si Rosario at nanghihingi siya ng ligal na payo kung paano maisasama sa kaso ang kapatid ni Sherman na si Shane na umano’y sangkot sa pamamaril.
“Alam kong kasama sila sa pagpatay. Pinagplanuhan nila ang anak ko,” paninindigan ni Rosario.
Pinapunta namin si Rosario sa Department of Justice Action Center (DOJAC) kay Dir. Perla Duque, Program Director ng DOJAC para asistehan siya sa nais niyang mangyari.
Agad nagpunta dun si Rosario. Hiniling ni Dir. Duque na kumuha muna siya ng kopya ng ‘warrant of arrest’ nito si Sherman para habang tinutulungan siya sa mga ligal na hakbang maari niyang gawin, ilalapit din siya sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa paghuli dito kay Sherman.
Nagpunta sa Branch Clerk of Court, RTC Branch 23, Trece Martires para kumuha ng certified true copy ng warrant of arrest ni Sherman.
Diniretso siya sa Docket Section, isang kinilala niyang si ‘Philip’ ang umasiste sa kanya. Nagulat siya ng sabihin nito, walang rekords ang kaso.
“Hinanap nila lahat pero wala daw dun, tinignan sa data base sa computer meron naman,” pagtataka ni Rosario.
Nanlumo si Rosario sa natuklasan. Nagtanong siya kung ano ng mangyayari sa kaso. Sagot daw sa kanya, ire-reconstruct ito ng kanilang Prosecutor.
Nagpabalik-balik dun si Rosario subalit wala pa ring nangyayari. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa amin.
“Grabe na ginawa nila sa kaso ng anak ko, paanong mawawala ang rekord niya?!” wika ni Rosario.
Itinampok namin si Rosario sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi namin malaman kung paano mawawala ang mga dokumentong nasa pangangalaga ng Branch 23, RTC-Trece Martirez. Matagal na hintayan na naman ang mangyayari sa kaso ni Mark. Mahabang panahon na naman ang hihintayin ni Rosario para makamit ang hustisyang matagal na niyang hinahabol.
Kung ito ay totoo merong dapat managot sa pagkawala nito. Maari siyang magsampa ng kaso laban sa Branch Clerk of Court at mga staff ng korteng yun.
Para matulungan si Rosario, pinapunta na namin siya kay Prosecutor General Claro Arellano para ipagbigay alam ang pagkawala ng nasabing dokumento at makipag-ugnayan sa prosecutor na may hawak ng kasong ito.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Ang aming ay landline 6387285 / 7104038 o mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038s