Isa na namang nawawalang eroplano

HINDI maiiwasang mapailing na lang sa sinapit ng airline industry ng Malaysia itong taon. Nauna na ang pagkawala ng Malaysian Airlines MH 370 noong Marso, na hanggang ngayon ay hindi pa matagpuan. Noong Hulyo naman, pinabagsak ng mga inutil na rebelde sa Ukraine ang Malaysian Airlines MH 17. Kung sinadya o napagkamalang militar na eroplano ay hindi pa matiyak, dahil hindi nakipag-ugnayan at nakipagtulungan ang mga rebelde sa imbistigasyon, na tila hinarang pa. Ano na nga ang nangyari sa insidenteng ito? May naparusahan ba, o nagkalimutan na lang dahil ang bansang Russia ang babanggain?

Ngayon, isang AirAsia QZ8501 na Airbus A320 ang nawawala, matapos umalis ng Indonesia patungong Singapore. Wala pang balita sa nasabing eroplano, na nawala na lang noong Linggo. Nagkausap pa ang piloto at control tower ng Indonesia bago nawala na lang. Ang pangamba ay bumagsak na sa dagat. May 162 pasahero ang eroplano.

Hindi madali ang maghanap ng bumagsak na eroplano sa dagat. Patunay nito ang MH 370 na hanggang ngayon ay hindi pa mahanap. Kapag nilamon ng dagat ang eroplano, napakahirap nang hanapin ito. Kabalintunaan nga na ang teknolohiya ngayon ay nagbibigay ng pagkakataong makakita ng mga malalayong bituin at planeta, pero hindi ang lalim at sahig ng karagatan. Dapat siguro isama sa disenyo ng mga pampaseherong eroplano ang ilang mga bahagi ng eroplano na lumulutang sa tubig, para sa ganun ay madaling makita kung sakaling bumagsak.

Ang paglakbay sa pamamagitan ng paglipad ay ang pinakaligtas pa ring uri ng transportasyon sa mundo. Pero sigurado walang saysay iyan kung isa ka sa mga kamag-anak ng naghihintay ng balita sa mga nawalang Malaysian Airlines MH 370 at ngayon, AirAsia QZ8501. Napakatinding alat ang nararanasan ng Malaysian airline industry. Hindi man lang tinapos ang taong 2014, may humabol pang trahedya. Kung makakaapekto ito sa negosyo ng dalawang kumpanya ay hindi pa matiyak, pero sigurado apektado ang pamimili ng mga pasahero ngayon.

 

Show comments