PALIBHASA kaanak ni Rizal, lumaki si Gemma Cruz Araneta sa mga kuwento tungkol sa bayaning Lolo José. Ibinahagi niya ito sa columns. na tinipon sa aklat na “Rizal’s True Love” (Cruz Publishing, 2014). Tulad ng madla, konti lang ang alam nina Gemma at ibang descendants ni Rizal tungkol sa mahiwagang kuya ni José na si Paciano. Ganumpaman, dalawang chapters ang inukol niya dito. Ilang sipi:
Tinuring ni José si Kuya Paciano na pinaka-dakila sa lahat ng Pilipino. At malamang na nakitaan ni Paciano si José ng kabayanihan, kaya tiniyak niya ang pag-aaral ng nakababatang kapatid sa Maynila at, pagkatapos, sa Uropa. Nanghina sa sakit ang ama nila sa pag-aalala, pero pinakalma siya ni Paciano.
Nakuha ni Paciano ang huling tula ni Rizal sa dungeon sa Fort Santiago, at ibinigay niya ito kay Andres Bonifacio. Ang Supremo ng Katipunan ang nagbigay ng pamagat at nagpakalat nito sa mga kasapi. Naantig ang damdamin ng mga rebolusyonaryo sa “Me Ultimo Adios,” at binalak nilang itakas si José. Pinigilan sila ni Paciano, na nagpaliwanag na ayaw ni José dumanak ni isang patak ng dugo alang-alang sa kanya.
Nang sumiklab ang Himagsikan, pinamunuan ni Paciano ang Katipunan sa Laguna, at nakibahagi sa liberasyon ng probinsiya. Patuloy siya nakibaka laban sa pananakop ng Amerikano. Nang sumuko siya, hindi makapaniwala ang kalaban sa Heneral siya, dahil nag-iisa na lang siya bukod sa ayudante.
Estudyante si Paciano nu’ng panunungkulan ni Governor General Dela Torre. Namulat siya sa kalupitan ng mga Kastila matapos ang Cavite Mutiny, nang mabalitaan ang kunwaring paglilitis at pag-garote sa tatlong pari ng Gomez, Burgos at Zamora. Naging idolo ni Paciano si Padre Jose Burgos. Dahil sa pakikibaka, hindi siya nakapag-asawa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).