EDITORYAL - Pinatay muli si Rizal

NGAYON ay ika-118 anibersaryo ng kamatayan ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal. Binaril siya ng 7:30 umaga noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan (ngayon ay Luneta). Umali­ngawngaw ang mga putok sa bahaging iyon ng Bagumbayan. Bumagsak si Rizal na nakaharap sa Silangan na wala nang buhay.

Sa mismong lugar na pinagbarilan kay Rizal itinayo ang kanyang monumento na may taas na 14 metro. Ang iskultor na gumawa ng monumento ay ang Swiss sculptor na si Richard Kissling. Nakumpleto ang monumento noong Disyembre 30, 1913. Napakagandang tanawin ng monumento noon sapagkat walang ibang nakagagambala sa paningin. Nag-iisang nakatindig ang monumento na animo’y hinahalikan ng mga ulap bilang pagpupugay sa kanyang kabayanihan.

Ngayon, pagkaraan ng 118 taon, hindi na nag-iisa si Rizal. Mayroon nang humarang sa magandang tanawin. Kapag tinanaw ang kanyang monumento, mayroon na siyang kasama sa frame --- isang matayog ng condominium na nakasira sa magandang tanawin. Ang condo ay ang Torre de Manila na sini­mulang gawin noong 2012. Inaprubahan umano ni dating Manila Mayor Alfredo Lim ang konstruksiyon ng condo. Ngayong panahon ni Mayor Joseph Estrada tuluyan nang ipinagpatuloy ang condo. Mayroon daw itong pahintulot ng konseho ng Maynila. Sabi ni Estrada, makakatulong daw sa ekonomiya ng Maynila ang pagtatayo ng condo. Magkakaroon daw ng trabaho ang mga taga-Maynila.

Unang tumutol sa pagtatayo ng condo ang tour guide at cultural acitivist na si David Celdran. Lumabag daw ang DMCI na may-ari ng condo. Nagsagawa ng online campaign si Celdran para mapigilan ang construction. Nagkaroon ng im-bestigasyon at napatunayang lumabag sa height restrictions ang may-ari ng condo. Magkaganoon man, patuloy ang construction ng condo at ang tanging makapipigil dito ay ang Malacañang.

Hindi sana nagkaganito kung noon pa ay tu­mu­tol na ang mga namumuno sa Maynila. Alam naman nila na makasasama sa tanawin ang condo pero binigyan pa rin ng permiso. Kung hindi mapipigilan ang konstruksiyon ng condo, maaa-ring magsulputan pa ang iba at baka mas matatayog pa. Lalong sasama ang tanawin.

Kawawa naman si Rizal. Parang pinatay siyang muli.

 

Show comments