Ano ang masasabi ng MMDA dito?

HINDI ba inaasahan nating lahat na magiging magaan ang trapik ngayong lumipas na ang Pasko? Dahil tapos na rin ang pamimili ng mga regalo, at marami na rin ang nagtungo sa mga bakasyunan, mababawasan na ang trapik sa Metro Manila. Pero impyerno pa rin ang naranas ng isang kakilala ko. Nagtaka nga siya kung bakit napakatrapik ng kanyang dinaanan. Nataon ay nakapagtanong siya sa isang dumadaang tricycle, at sinabi na sinara ang isang hanay ng kalsada, dahil may burol. Napailing na lang ang kaibigan ko.

Nang makalampas na siya sa burol, sinalubong siya muli ng trapik. Ngayon naman, may party daw kaya sinara rin ang isang hanay ng kalsada, at pahintulot pa daw ng mayor. Umabot siya sa kanyang patutunguhan isa’t kalahating oras nang umalis ng bahay.

Bakit pinapayagan ng lokal na pamahalaan ang mga ganitong pagsara ng kalsada, sa panahong matindi na nga ang trapik? Noong napadaan na ang kaibigan ko sa burol, hindi naman ginamit ang kalsada para sa mga nakikiramay sa patay, kundi ginawang sugalan at inuman. Tama ba ang kaugaliang ito? Puwede na bang isara ang kalsada kung may pahintulot ng lokal na opisyal? Ano ang masasabi ng MMDA sa mga ganitong sitwasyon?

Kaya hindi masolusyunan ang matinding trapik ay dahil sa mga balakid na ganito. Kung hindi burol, party naman o piyesta. Ano pala ang pinagkaiba niyan sa mga sasakyang nakaparada na lang sa magkabilang estribo ng kalsada, kung saan nagiging isang lane na lang ang daanan? Paano pala kung sunod-sunod ang burol? Palagi na lang nakasara ang kalsada? Maiintindihan ko kung sinara ang kalsada dahil may sunog o may krimeng naganap. Pero burol, piyesta, party?

Napakalaki na ng nawawala sa ekonomiya ng bansa dahil sa trapik. Kung ganito naman ang dahilan ng trapik, bakit pa pinapayagan kung nakakasama naman pala sa bansa? Isipin naman sana na ang kalsada ay para sa lahat, at hindi para sa iilan lang. Parang utak wangwang na rin iyan, hindi ba? Dapat may katwiran ang pagsara ng kalsada. Kapag may kailangang isarang kalsada, naglalabas ng abiso kaagad ang MMDA sa mga motorista. Ginagawa ba ito kapag may burol o party? Kung may pahintulot ng lokal na pamahalaan, dapat sila na rin ang maglabas ng abiso ilang araw bago isara ang kalsada.

Show comments