LIMANG araw na lamang at Bagong Taon na. Kapag narinig ang bagong taon unang maiisip ay mga rebentador, super lolo, pla-pla, Judas belt, higad, piccolo at iba pang paputok. Pero ngayon ay may nadagdag pang isa --- baril! At mas matindi ang putok nito kaysa sa Judas belt at pla-pla sapagkat namamatay ang bawat tamaan. Lumulusot sa kisame ang bala at deretso sa ulo ng biktima. Bumabagsak na lamang ang tinamaan at saka lamang malalaman na naglagos na sa utak ang bala. Patay ang biktima. Karaniwang ang mga biktima ay mga bata.
Mga pulis at sundalo ang nagpapaputok ng baril. Kapag nalasing ang pulis at sundalo ay magyayabang, kukunin ang kanyang baril at magpapaputok nang walang habas. Kaya ang kampanya ng PNP at AFP laban sa mga mga miyembro nila ay wala ring silbi. Kahit pa lagyan nang sandamukal na masking tape ang nguso ng baril ng mga pulis at sundalo, hindi pa rin nakatitiyak kung nagpaputok sila o hindi. Paano kung may isa pang nakatagong baril ang pulis o sundalo?
Noong Disyembre 31, 2012, tinamaan ng ligaw na bala ang pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella ng Camarin, Caloocan City. Nanonood ng fireworks display si Nicole kasama ang kanyang mga pinsan sa di-kalayuan sa kanyang bahay. Nang biglang bumagsak ang bata at nang tingnan ay may dugong umaagos sa katawan. Namatay si Nicole, isang araw makaraang tamaan ng bala. Hanggang ngayon, hindi pa nakakakamit ng hustisya ang pamilya ni Nicole.
Ang akala nang marami, hindi na mauulit ang nangyari kay Nicole. Pero nang sumunod na taon (2013), dalawang bata uli ang namatay nang tamaan nang ligaw na bala habang natutulog. Ayon sa PNP, ang mga biktima ay sina Von Alexander Llagas, 3-buwang-gulang, taga-Caoyan, Ilocos Sur at Ranhz Angelo Corpuz, 2-taong-gulang, taga-San Nicolas, Ilocos Norte. Lumusot sa bubong ang bala na pumatay sa dalawang bata. Tinamaan sila sa ulo.
Maging alerto, hindi lamang ang PNP at AFP kundi pati na ang mamamayan. Kapag nakakita ng may magpapaputok ng baril, isuplong ito sa pulisya. Huwag nang mag-atubili pa makapagligtas ng buhay. Huwag patawarin ang magpapaputok ng baril.