PATULOY na pinapaalalahanan ng BITAG ang mga mahihilig bumili at ‘yung iba pang mga naghahabol na bumili ng handa ngayong Pasko.
Mag-ingat sa mga nakalatag na karne at mga processed meat product lalo na kapag bagsak-presyong iniaalok sa inyo. Nakamura nga kayo pero sakit naman ang dulot sa inyo.
Ito ‘yung mga timplada nang tapa, longganisa, tusino, mga hotdog at iba pang mga kauring produkto na tinanggalan na ng label o tatak.
Mga sadyang inaalis na sa orihinal na lalagyan at nakalagay nalang sa mga batya o malalaking planggana na punong-puno ng yelo.
Ang iba naman, aktuwal pa talagang ipinapakitang nakababad pa sa toyo, suka, paminta at food coloring na aakalain mong bago. Iniaalok ng 50% discount kumpara sa totoo nitong presyo.
Kung ikaw ay mahilig sa ganitong uring produkto, tiyak tulo-laway at magkandarapa kang bumili at makipagtawaran pa sa mga mapagsamantalang tindera at tindero.
Oo nga naman. Sino pang mag-aakalang sira at ni-recycle na ang mga processed meat product kung ikaw mismo nakikita at naaamoy mo ang mabangong seasoning sa nasabing mga produkto.
Karaniwan itong makikita sa mga night market kung saan dinadagsa ng mga parokyano lalo na ngayong Pasko.
Wala namang masama sa night market pero ingat lang kasi ang mga malilikhaing putok sa buho, pilit nakikihalo sa mga matitinong negosyante para magkapera at kumita.
Ang kolum na ito ay hindi paninira sa industriyang nasa likod ng mga processed meat product. Bagkus serbisyo-publiko sa kanila na nagagamit at nabibiktima ng mga mapagsamantala kasabay na rin ng pagbibigay-babala sa publiko.
Kaya sa mga kawani ng National Meat Inspection Services (NMIS) at sanitation department ng mga lokal na pamahalaan, ngayong alam ninyo na, kilos-pronto!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.