‘Ngising preso’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
PAYASONG nawalan ng ngiti… kahit anong pinta mo sa bibig ng pulang labing tumatawa lalaylay at lalay pa rin ang bibig nito.
“Tumatawa pa raw ang anak ko habang nangyari yung pagbaril kaya isinabit nila sa kaso,” ani ‘Juliet’.
Sa edad na 19 anyos naamoy na ni Ariane Florendo ang loob ng preso at natuto ng mamuhay kasama ang mga kakosang babae.
“Nung nakaraang taon sa kulungan na siya nagpasko. Mukhang dun pa rin kami sa loob ngayong taon,” sabi ng inang si Juliet Florendo.
Lima ang anak ni Juliet at asawang si Alberto, 61 anyos---traysikel drayber sa Marilao, Bulacan. Si Juliet naman nagtitinda ng almusal at lutong ulam sa labas ng bahay ng kanyang hipag sa Camarin.
Katulong niya sa pagtitinda ang bunsong anak na si Ariane mas kilala sa tawag na ‘Nene’. Si Nene ay dating nag-aaral ng kursong Tourism. Second year college na siya. Ayon kay Juliet, walang masyadong kaibigan si Nene sa kanilang lugar. Madalas mga kaklase niya ang kanyang kasama.
Ika-28 ng Mayo 2013, nagpaalam si Nene na pupunta sa debut party ng kaklaseng si Joan sa Llano Subd., Caloocan City. Dati na rin daw pumunta sa bahay nila Juliet ang kaibigan.
Umaga, nasabing petsa, nagpasama si Nene kay Juliet sa Commonwealth Market para bumili ng regalo at damit na susuotin niya sa party at pangregalo.
Kinagabihan, 8:00 ng gabi umalis na ng bahay si Nene papunta kina Joan. Alas tres na rin ng umaga ng siya’y makauwi. Aminado ang ina na mukhang nakainom ang anak niya ng umuwi subalit hindi umano ito lasing.
Kinabukasan, tulad ng dati tumulong sa pagbabantay ng tindahan ang anak.
Ganap na 9:00 PM, Mayo 29, 2013 habang nasa labas siya at nakahiga na sa sala si Juliet dalawang kotse ang pumarada sa kanilang harapan. Isang ‘mobile’ ng pulis at isang pribadong sasakyan.
Lumapit ang mga pulis kay Nene at nagtanong. Mabilis na pinabangon si Juliet ng kanyang hipag at lumabas.
“Inimbitahan kami ng pulis sa presinto ng Barugo… sumama naman kami. Sa presinto na lang namin nalaman ang problema,” ayon kay Juliet.
Sinabi sa mag-inang may binaril sa ‘Llana Subdivision’. Ang mga tinuturong pumatay ay mga kasamahan nito. Kwento ni Juliet, galing na ang mga pulis sa isa pang kasama umano ng anak, si ‘Diane’- 20 anyos subalit wala ito.
Maya-maya dumating sa presinto ang dalawang ‘saksi’ sa krimen at itinuro itong si Nene na kasama ng mga namaril.
Base sa ibinigay salaysay ng dalawang tumestigo sa krimen, parehong 17 anyos nun: Bandang 2:00AM, ika-28 ng Mayo 2013, sila ng isang kaibigan at biktima na si Christopher Mendoza, 23 taong gulang ay magkakasama sa Myrna Subdivision, Brgy. 167, Llano, Caloocan City.
Galing daw sila sa lamay nun sa Macawili 1 Subd. Habang naglalakad pauwi nakita sila ni Christopher at nagpasama raw ito na kausapin ang isang lalake na nasa kanto ng Mryna Subd.
“Nakita namin ang tatlong lalaki at dalawang babae sa nasabing lugar at lumapit na si Christopher at kinausap ang nasabing grupo”—laman ng salaysay.
Naiwan sila sa kabilang kalsada ng kanyang kasama. Nakita na lang niyang bumunot ng baril ang isa sa tatlong lalaki na nakasuot ng itim na jacket, itim na t-shirt at itim na sombrerong pang hip-hop. Kasunod nun, bumunot din ng baril ang isa pa sa tatlong lalake na nakasuot ng long sleeve at sinuntok si Christopher.
“Nakita ko pong hinampas ng baril si Christopher ng naka itim na jacket na lalaki kaya napaatras si Christopher… nakita kong binaril ng lalakeng nakasuot ng long sleeve si Cristopher, sabay sabi sa aming ‘Kayong dalawa gusto niyo madamay dito” kaya napatakbo na kami palayo,” sabi sa salaysay.
Magkatabi lang daw ang lima kasama ang dalawang babae at isa pang lalake at nagkakatuwaan pa umano habang sinasaktan ang biktima at tuluyang barilin.
Pagbalik nila nakita nilang nakabulagta si Christopher at wala ng buhay.
Sa pagbibigay ng salaysay ng saksi, ipinakita ng mga pulis si Nene at itinuro siya na isa sa dalawang babae na kasama ng tatlong lalake na bumaril sa biktima.
Tinanong sila ng pulis kung may ginawa ba ang babae nung panahong iyon.
Sagot nito, “Nanood lang po siya habang kasama po niya ang bumaril at pumatay kay Christopher…”
Hindi raw niya inawat ito at bagkus ay nagkakatuwaan pa habang nagaganap ang krimen.
Tinanggi ito ni Nene, sabi umano niya sa ina, nauna siyang umuwi 2:00AM at sumunod ang grupo nila Diane. Nagkita na lang sila sa sakayan ng dyip.
“Bigla na lang daw niyang hinawakan sa kamay ang anak ko at sumabay ang mga ito sa kanya sa dyip. Nakarinig daw siya ng putok ng mga sandaling yun pero hindi niya ito pinansin,” ayon kay Juliet.
Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya ng biktima laban kay Nene, at tatlong ‘di napangalanang lalake at isang babae.
Nakausap umano ni Juliet si Joan, ayon dito pumunta si Christopher sa kanyang ‘birthday debut’. Naangasan umano ito sa mga kasama ng anak. Nung umuwi na ang tatlo sinundan daw sila ng biktima. Dun na raw nagsimula ng gulo.
Nagkaroon ng pagdinig ang kaso subalit hindi na raw sumisipot ang complainant. Nasumite ng Motion to Quash the Information and Judicial Determination for Probable cause sa RTC-Branch 122, Caloocan City.
Naibaba ang resolusyon ng kaso subalit DENIED ito dahilan para magpunta si Juliet sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radio, ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malinaw na sinabi ng hukom na naghawak ng kasong ito na dapat ay nagpasa ng kontra-salaysay itong si Nene.
Sa mga ibinigay na testimonya ng mga testigo wala namang sinabing siya ang namaril. Nabanggit lang na kasama niya ang mga ito at sila’y nagkakatuwaan.
Kung nakapagpasa ng kontra-salaysay itong si Nene maaring may pagbabatayan ng pagtimbang ng mga salaysay ng magkabilang panig.
Pina-iral ng taga-usig ang prinsipyo ng ‘the act of one is the act of all’ (conspiracy theory) at lalong napagtibay ito ng hindi na kontra (uncontroverted) ang mga pahayag ng testigo.
Sa ngayon ang magagawa nila Juliet ay magpasa ng Petition for Bail at Motion for Speedy Trial sa korte. Kahit na murder at NO BAIL ang kasong hinabla laban sa anak niya maari siyang humiling ng piyansa. Susuriin ng hukom kung mabigat ang ebidensya laban kay Nene. Kapag mahina ang i-uupo ng prosekusyon na mga testigo at ebidensya, maaring payagan ng hukom na makapag-piyansa ito para sa kanyang pansamantalang paglaya habang dinidinig ang kaso. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
- Latest