PAGPASOK ng bagong taong 2015 ilang linggo mula ngayon, siguradong lalu nang iinit ang tinatawag na lagnat politika.
Kung itong papagtapos na taon ay naging lipos na ng mga political mudslingings ng mga pumupustura para sa darating na eleksyon sa 2016, siguradong lalu pang titindi iyan sa papasok na taon.
Hindi bale sana kung pulos batuhan ng mapanirang salita lamang ang magaganap. Masaklap na karanasan natin na sa tuwing papalapit ang eleksyon, nagkakaroon ng mga political assassinations o paglilikida sa mga magkakatunggaling politiko. Kung minsan, pati mga tauhan ng pulisya at militar ay nasasangkot sa ganitong mga pangyayari dahil ginagamit sila ng mga tiwaling politiko. Wala pa akong nakitang halalan sa bansa na hindi nabahiran ng dugo.
Kaya ngayon pa lang ay nanawagan na si Presidente Aquino sa mga miyembro hindi lamang ng militar kundi pulisya na huwag makisawsaw sa tinatawag na partisan politics.
Tama naman iyan. Ang dapat pagsilbihan ng mga unipormadong tauhan ng pamahalaan ay hindi ang sino mang politiko o opisyal ng gobyerno kundi ang taumbayan.
Kahit pa ang kakandidato sa ano mang posisyon ay dating mataas na opisyal ng pulisya o militar, hindi sila dapat kampihan ng mga uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines o Philippine National Police.
Ang isa pang hindi magandang nangyayari tuwing halalan ay nagagamit ng mga politiko ang mga pasilidad ng pamahalaan sa kanilang campaign sorties. Halimbawa, ang mga sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force ay nagagamit ng mga kumakandidato. Dapat nang matuldukan ang ganitong practice at kailangang si Presidente Noynoy mismo ang magpakita ng halimbawa.
Alam nating hindi na puwedeng kumandidato ang Pangulo pero mayroon siyang tiyak na i-endorsong kandidato sa 2016 at ang mga ito’y hindi dapat magtamo ng espesyal na pribilehiyo sa paggamit ng taxpayers money sa pangangampanya.