INOOBLIGA ngayon ng Land Transportation Franchi-sing and Regulatory Board (LTFRB) lahat ng taxi operators sa kalakhang Maynila na magpasa ng listahan ng kanilang mga drayber.
Ang ID system na ito ay direktiba mismo ni Chairman Winston Ginez dahil daw sa sunod-sunod na mga insidente ng krimen tulad ng holdap, rape at iba pang mga pananamantala sa mga mananakay.
Dumarami na rin daw kasi ang natatanggap nilang reklamo at sumbong hinggil sa mga bastos, arogante at iresponsableng taxi driver.
Kung tutuusin, matagal ko na itong tinatalakay sa aking programang BITAG Live. Para na akong sirang plaka sa kakaulit.
Pagpasok pa lang ng taong 2014 ipinalabas na ng BITAG ang modus ng mga utak-kriminal, bastos, balasubas, siga at demonyo sa lupa na mga drayber. Pinamagatan namin itong “Langhap” dahil doon sa delikadong kemikal na sadyang pinalalanghap nila sa mga pobreng pasahero.
Itinatapat nila ang basang face towel na binasa ng kemikal at itatapat sa air vent ng sasakyan. Hindi ito ‘yung sinasabi ng ilan na ini-spray daw. Pero ang totoo wala naman talaga silang alam, basta may masabi lang.
Salamat naman at may nakarinig dyan sa LTFRB sa matagal ko nang sinasabi hinggil sa pag-iingat sa lansa-ngan partikular sa mga taxi. Na para maiwasan ang mga gumagawa ng kalokohan, ang mga taxi operator, mayroon dapat record ng kanilang mga empleyado. Clear sa pulis at NBI at walang anumang masamang record sa batas.
Ang problema, may mga desperado at mukhang pera rin kasi na mga taxi operator. Hindi na mahalaga kung kriminal ang nag-aaplay basta ang sa kanila kumita lang, ibigay ang pera mula sa boundary. Kaya kahit sino papatusin. Isa rin tuloy ito sa mga sanhi kung bakit may mga kolorum.
Maganda ang suhestyon ng LTFRB na magkaroon ng ID system. Pero hindi lang ito dapat ipatupad sa National Capital Region kundi maging sa iba pang mga metro city sa bansa upang maiwasan ang mga modus, panloloko at pananamanatala.
Mababawasan din ang krimen kasi nakikita ng mismong pasahero ang identification card ng nagmamaneho. Hindi ‘yung walang ID sa harap. Hindi tuloy malaman kung lehitimo bang taxi at lehitimo rin ang prangkisang mamasada.
Ang punto ko dito, kung suhestyon palang ng ahensya sa publiko kung ano ang kanilang aasahan, ayusin mo muna Ginez ang talaan ng mga kolorum at lehitimo. Kasi dyan nag-uumpisa ang persepsyon ng publiko. Dyan din nakabase ang tiwala sa inyo ng tao.
Magiging matagumpay at totoo lang lahat ng mga pahabol na “pa-pogi” sa taong ito ng LTFRB kung mayroong pangil at political will ang mismong namumuno na linisin at ayusin ang buong ahensyang tumututok sa mga sasakyan at lansangan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.