EDITORYAL – Mabigat na trapik, sisihin ang DPWH

NOONG Sabado (Disyembre 20) kalbaryo na naman ang dinanas ng mga motorista at commuters dahil sa grabeng trapik sa maraming pangu­nahing kalsada, nangunguna na ang EDSA. Mula SM-North hanggang Makati ay inabot ng apat na oras ang biyahe. Magkabilang lane ay halos hindi gumagalaw lalo na sa bahagi ng Ortigas. Mara-ming pasahero ang nagmumura dahil inagahan na nila ang pag-alis sa kani-kanilang mga bahay pero natrapik pa rin.

Nagkaroon din nang mabigat na trapik sa Que­zon Avenue hanggang España Blvd. Hindi rin gu­magalaw ang trapik sa bahagi ng Lerma patungong Recto Avenue at maging sa patungong Quiapo. Grabeng trapik din ang naranasan sa Port Area dahil sa malalaking truck na pati lane ng pribadong motorista ay nilamon na. Mula nang payagan ang mga truck na makadaan sa Roxas Boulevard ay naghari-harian na ang mga ito. Mga truck daw ang numero unong dahilan ng trapik sa Maynila. Ang mga ito ang sinisisi kaya buhul-buhol ang trapik sa Metro Manila.

Pero sa aming paniwala, hindi ang mga malala-king truck ang may kagagawan ng trapik kundi ang kawalan ng sistema at kapabayaan na rin Department of Public Works and Highways (DPWH). Halimbawa, itinigil na nga ng mga contractor ng DPWH ang kanilang paghuhukay sa mga pangunahing kalsada, pero hindi naman inalis ang mga nakaharang o barriers sa hinuhukay. Mayroon pang mga heavy equipment sa lugar. Isa rin sa mga dahilan ng trapik ay ang kakulangan ng mga signage sa ginagawang project. Halimbawa ay sa Intramuros, na walang inilagay na babala na nagkakaroon ng repairs sa ilalim ng MacArthur at Jones Bridge. Maraming motorista na nagmula Quiapo ang kumakanan sa ilalim ng MacArthur Bridge pero nabulaga sila dahil sarado iyon. Ganundin naman ang mga nagdaraan sa likod ng Post Office Building, nabulaga dahil sarado ang Jones Bridge. Dahil walang babala, maraming sasakyan ang nagsiatras na nagbunga nang grabeng trapik.

Mali rin ang ginagawa ng mga contractor ng DPWH na pagpipintura sa mga pader o center island. Ganito ang ginagawa sa España Blvd. at ilalim ng Quezon Blvd. kaya nagdudulot ng trapik sa lugar. Kung kailan holiday season, saka sila nagsasagawa ng mga pagpipintura na maaari namang gawin pagkalipas ng Pasko at Bagong Taon.

Magkaroon sana ng sistema ang DPWH para hindi kalbaryo ang trapik sa Metro Manila. Napakasimple lang naman pero hindi nila ito magawa.

Show comments