TULUY-TULOY pa rin ang mga rebelasyon hinggil sa marangya, masarap at maginhawang buhay ng mga VIP na bilanggo sa NBP. Nalaman na ang mga baril na nadiskubre sa kubol ng ilang bilanggo ay nakarehistro sa kongresista, konsehal, empleyado ng gobyerno at natalong pulitiko. Kung paano nangyari iyan ay sila na lang ang nakakaalam at mukhang ayaw pang humarap ang mga may-ari para ibigay ang kanilang panig. Kung paano rin nila mapapaliwanag? Baka kaya ayaw pang humarap. Inimbitahan na ng NBI ang mga may-ari ng baril, na halos lahat ay paso na ang lisensiya, pero wala namang mga ulat na ninakaw mula sa mga may-ari. Taas kilay na lang tayong lahat.
Nagsigawa muli ng inspeksyon si DOJ Sec. Leila de Lima sa mga kubol sa NBP dahil napag-alaman din na nakatanggap ng “tip” ang mga VIP na bilanggo sa isinagawang inspeksyon noong Lunes. Nadiskubre ang ilang mga aircon na nakatago sa mga kisame. May nakitang gym sa likod ng isang pader. Nalaman din na dalawang milyong piso ang ibinabayad ng NBP para sa kuryente. Kaya tayong mga mamamayan pa ang nagbabayad ng kuryente ng mga iyan. Kriminal na masarap ang buhay, libre pa ang kuryente! Ewan ko pero kailangan madagdagan talaga ang parusa ng mga ito, at kung puwede pahirapan din. Ilang taon silang namumuhay ng ganyan, na hindi dapat dahil mga bilanggo sila. Kailangang sibakin na ang lahat ng tauhan ng BuCor. Sobra na. Napakaraming mamamayan na malinis kumita at sumusunod sa batas, na hindi naman ganyan mamuhay.
Nagsimula na rin ang paggulong ng mga ulo sa NBP. Tatlong opisyal na nagbigay pahintulot para magpasok ng mga kontrabandong kagamitan ang sinibak sa puwesto. Pero kailangan pa rin nilang humarap sa imbistigasyon at managot sa mga kalokohan sa NBP. Kanya-kanya naman silang pangangatwiran na ligal daw ang inaprubahang gamit tulad ng mga aircon at music studio ni Colangco dahil makakatulong daw sa mga bilanggo. Ewan ko ba. Kulungan ba iyan o night club/karaoke bar? Hindi rin dapat mga opisyal, kundi lahat ng guwardiya sa NBP ang dapat sibakin at iharap sa imbistigasyon. Marami nga ang nananawagan na dapat ang director ng NBP ay matanggal na rin sa puwesto. Hindi sapat na dahilan ang hindi alam ang mga nangyayari sa kanyang kulungan, dahil responsibilidad niya iyon bilang director.
Mukhang hindi pa rin titigil ang mga madidiskubreng kontrabando sa NBP. Di kaya dapat gibain na ang mga kubol, at baka naman may mga kuweba at daanan na rin sa ilalim ng mga ito? Baka parang bahay ng langgam na maraming mga nakatagong daanan.