Kailangang baguhin ang VFA

NAGLABAS na ang korte sa Olongapo City ng warrant of arrest para kay US Marine Joseph Scott Pemberton para sa pagpatay umano kay Jennifer Laude. Kaya dinedemanda na ng gobyerno na isuko na si Pemberton sa kanila, para mailagay na sa regular na kulungan. Pero mukhang hindi ito magiging madali.

Ayon umano sa VFA, may karapatan ang Amerika na manatili sa kanila ang sinumang suspek sa anumang krimen, hanggang sa katapusan ng kaso. Sa madaling salita, habang umaandar ang kaso at wala pang desisyon, mananatiling hawak nila si Pemberton. Nagsalita na nga mismo ang US Ambassador na si Philip Goldberg. Labag daw sa kasunduang VFA ang pagdala kay Pemberton sa isang lokal na kulungan habang nililitis pa siya. Sigurado magiging masalimuot ang isyung ito. Ang gusto ng kampo ni Laude ay sa kulungan natin ilagay si Pemberton. Hindi siya magiging kumportable roon kung sakali, kumpara sa kinalalagyan niya ngayon sa Camp Aguinaldo. Dito na siguro masusubukan ang VFA. Iginigiit ng ilang mga pulitiko na kailangan sa kulungan natin ilagay si Pemberton. Kaya lang, may VFA na pinaaalala ng Amerika sa atin. Hangga’t wala pang desisyon, hawak nila.

Sa kaso kasi ni Daniel Smith, sa embahada siya “ikinulong” kahit may desisyon na ang korte, sa lakas ng isang kasunduan ng dating kalihim ng DFA Albert Romulo at si Kristie Kenney, dating US ambassador. Pinawalambisa ito ng Korte Suprema, at kailangan sa kulungan natin ilagay si Smith, base na rin sa kasunduan ng VFA. Pero dahil binawi ang akusasyon kay Smith, napalaya siya. Sa kaso ni Pemberton, umaandar pa ang kaso kaya hindi pumapayag ang Amerika sa hiling ng bansa na ilagay sa regular na kulungan si Pemberton.

Sa tingin ko, kailangang baguhin ang mga kasunduang nakasaad sa kasalukuyang VFA hinggil sa mga ganitong sitwasyon. Kapag sangkot sa krimen ang sinumang sundalo ng Amerika, kailangan sa kulungan natin ilagay. Sa tingin ko makakatulong din ito bilang balakid sa mga krimen, dahil wala nang proteksyon ang mga dayuhang sundalo kung sakaling gumawa ng krimen. Sa ngayon kasi, malakas ang loob nila na aalagaan sila ng kanilang gobyerno. Parang walang takot makulong, o masentensiyahan.

 

Show comments