SPLIT-TYPE na aircon, Playstation, wi-fi router, mga chandelier, hot tub, sex doll, malaking TV, magandang kama, kumpletong kusina, may ilaw-ilaw pa ang kisame bukod sa maraming pera at droga. Ito ang mga natagpuan ng mga otoridad nang magsagawa ng biglaang inspeksyon sa New Bilibid Prisons Maximum Security Compound noong Lunes ng umaga. Kasama ni DOJ Sec. Leila de Lima ang mga elemento ng NBI, PDEA at PNP. Ang nasabing mga “kulungan” na may lamang mga kontrabando at luho ay pag-aari ng mga kilalang drug lord. Nadiskubre rin ang ilang dokumento na nagpapatunay na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang mga iligal na aktibidad hinggil sa iligal na droga. Lahat ng nakapanood sa balita ay umiiling na lamang. Mas maganda pa ang mga silid ng kriminal kaysa sa maraming mamamayan.
Ewan ko na lang kung hindi pa sisibakin ang lahat nang opisyal at tauhan ng NBP. Paano maipapasok ang mga ganitong klaseng kagamitan nang walang kakutsabang mga guwardiya at opisyal ng NBP? Paano maikakabit ang split-type na aircon nang walang technician? Paano maikakabit ang chandelier? Malaking flat screen na TV nakalusot na lang? Paano maipapasok ang hot tub? At sex doll? Ito siguro ang kasama ng bilanggo kapag naliligo sa kanyang hot tub!
Matagal ko nang sinasabi na isang malaking pagkabigo ang NBP. Marami, kundi lahat, ng tauhan at opisyal ay nabili na ng mga sindikato. Kaya walang saysay kung babalasahin lamang ang mga tauhan. Kailangan tanggalin, sibakin at kasuhan ang mga nagbenta ng kanilang mga kaluluwa sa kriminal. Walang dahilan ang dapat tanggapin mula sa mga opisyal kung bakit hindi nila makontrol ang ganitong pamamalakad sa loob ng NBP. Sino ba ang nagpapatakbo, mga otoridad o mga kriminal?
Kung bakit ngayon din lang ginawa ang ganitong klaseng inspeksyon ay hindi ko rin maintindihan. Sigurado matagal nang tumatakbo ang pamamalakad at sistemang ito. Sigurado matagal nang masarap ang buhay ng mga bilanggo, mga kriminal. Sigurado marami na ring mga opisyal ng NBP ang kumita na. Dapat isara na talaga ang NBP, at ituloy na ang paglipat nito sa ibang lugar. Pera pa ng mamamayan ang nagpapatakbo at nagpapasahod sa mga opisyal at tauhan ng NBP na hindi naman ginagawa ang kanilang tungkulin.