(Narcopolitics)
HINDI na bago ang mga balitang naglalabasan hinggil sa mga iregularidad sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) na direktamenteng nasa ilalim ni Justice Secretary Leila De Lima.
Panahon pa ni dating NBP Director Gen. Dioniso Santiago, inilantad na niya ang umiiral na gobyerno sa loob ng pasilidad ng gobyerno.
Ang nangangasiwa, mga malalaking personalidad, maimpluwensya at mayayaman na sangkot sa ilegal na droga. Kaya nilang bayaran at makipagkutsabahan sa mga tiwaling opisyal at prison guard sa ngalan ng salapi. Dito rin pumapasok ang masalimuot na narcopolitics. Ang ilegal, nagagawa nilang legal. Kaya nilang bilhin ang sinuman, mapa-abogado, hukom at mamili ng mga pulitikong po-protekta sa kanila kapalit ng ibibigay nilang suporta.
Dalawang bagay lang ang magiging kahihinatnan ng isang kriminal na nasentensyahan o ipinasok sa kulungan. Ang maging mas masahol pa sa kaniyang mga pinagagawa dahil sa bulok na kultura sa loob o pagsisihan ang mga nagawang kasalanan dahil nalaman niya ang kaniyang mga pagkakamali at nakilala ang Poong Maykapal.
Subalit, ang masaklap na katotohanan sa penitentiary system sa Pilipinas, ito pa ang nagbibigay ng kumpyansa, lakas ng loob, kaalaman at dunong para lalo pang maging magaling na “negosyante” ang isang notoryus at pusakal na kriminal. Tuloy pa rin ang kanilang transaksyon at aktibidades sa labas habang namumuhay ng marangya sa loob ng “condo” o “suite” kung tawagin.
Matatandaang nitong buwan ng Enero ng kasalukuyang taon, kinumpirma ng isa sa mga ahente ng DOJ na nagpapatuloy pa rin ang iregularidad sa mistulang ‘high-end subdivision.’ Hindi na kailangang lumabas pa ng mga high-risk criminal para lang mapagbigyan ang makamundo nilang pagnanasa.
Sa gabi, ipinupuslit umano sa kanilang mga air-conditioned room ang mga mamahaling alak at mga sex worker o “tilapia.” Bawat tilapia nagkakahalaga ng P50,000 hanggang P200,000 sa kanilang serbisyo. Sa araw naman, makikita silang malayang pagala-gala sa 12-hektaryang lupain ng NBP. Nagmamaneho ng golf carts o ‘di naman kaya ipinagmamaneho ng mga salat na kapwa-bilanggo sakay ng electric motors at tricycle.
Ito ang dapat mabantayan at matutukan hindi lang ng mga nangangasiwa sa Bilibid kundi ng buong pamahalaan. Ang matagal at bulok nang penitentiary system sa Pilipinas.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.