LUMIPAS kahapon ang deadline ng China para sagutin ang kaso ng Pilipinas sa pag-agaw sa Scarborough Shoal. Tulad ng inasahan, inisnab ng mga komunistang diktador sa Beijing ang paanyaya ng UN International Tribunal on Law of the Sea na lumahok sa arbitration.
Nauna rito, iginiit ng Beijing ang mga palusot sa pag-iwas sa mapayapang usapan. Ipinaskel nila ito sa websites. Una, kesyo raw kanila ang Scarborough dahil sa “historic rights.” Ikalawa, binabawi lang daw nila ang shoal mula sa Pilipinas na “umagaw” nito nu’ng dekada-70. Ikatlo, pinaka-baluktot, ang arbitration ay pampe-‘‘pressure” umano ng Pilipinas sa China.
Dapat ilantad ang kabuktutan ng mga palusot ng Beijing:
• Sa umano’y “historic right,” anang mga komunista na hitik sila sa mga sinaunang kasulatan at mapa na nagpapatunay na tinitirhan na ng mga Tsino ang shoal simula’t-sapol. Pero wala silang maipakita sa mundo o sa sariling mamamayan. Ito’y dahil imposibleng tirahan ang shoal. Bato’t buhangin ito na nakalubog miski low tide, maliban sa siyam, na hindi lalampas sa apat na metro ang lampas sa tubig at kasya lang tumuntong nang patabingi ang isang tao.
• Sa umano’y pag-agaw ng Pilipinas sa Scarborough nu’ng dekada-70, wala ring katibayan ang Beijing. Kabaliktaran, 18 sinaunang mapa ng China sa museums nila at sa Europe ang nagpapakita na ang pinaka-timog na teritoryo nila ang Hainan Island-province. Dagdag pa ang 34 na sinaunang mapa ng Southeast Asia at ng Pilipinas, na nagpapakita na ang Scarborough ay bahagi talaga ng kapuluan mula pa nu’ng Panahon ng Kastila.
• Sa palusot na pampi-”pressure” ang payapang pag-uusap, baliw lang ang magsasabi nito -- at baliw na sa poder ang mga komunista.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).