Droga

SUNUD-SUNOD ang raid ng Philippine National Police sa mga drug den sa Metro Manila at lalawigan. Unti-unti nang nalalambat ang drug pushers at users na nagtatago sa palda ng tiwaling pulitiko at mga buwayang opisyales ng PNP, hehehe! Ang masakit nga lamang mayroon nagbuwis ng buhay sa mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin, ngunit hindi ito hadlang upang tumigil na sila sa paghabol sa mga natitira pang drug pushers dahil ang ugat ng krimen ay ang pagkagumon sa droga. Hindi maipagkaila na ang mga naganap na rape slay ay dahil sa pagkagumon sa droga. Punumpuno na ang sambayanan sa mga krimeng nagaganap kaya ang panawagan nila kay P-Noy: “Ibalik na ang bitay”. Ngunit tinutulan ito ng Simbahang Katolika at prolife advocates.  Kaya patuloy na namamayagpag ang drug lords. Hindi naman lingid sa kaalaman na araw-araw ay puro krimen ang naririnig sa radyo, napapanood sa telebisyon at nababasa sa mga diyaryo. Bukod sa talamak ang bentahan ng droga kulang ang presensiya ng mga pulis. Kahit na itanong pa ninyo kay Supt. Aldrin Gran ng MPD Central Market Police Station na nakakasakop sa Quiapo. Subalit may hangganan ang lahat.

Kung si PNP chief Alan Purisima ay nasuspinde sa puwesto ‘yun pa kayang iba na tulad ni Gran.  Subalit hindi nawawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan dahil ang kanilang dalangin ay tinugon na matapos maitalaga si Leonardo Espina bilang officer-in-charge ng PNP. Kilala si Espina na action man mula sa pagiging spokesman ng PNP hanggang sa pagiging hepe nito sa  National Capital Region Police Office, mahigpit kasi niyang pinaiiral ang two minutes response sa mga insidente. Kaya ang mga pulis noon ay nakikita sa kalye. Ang pulis at barangay noon ay magkatuwang sa pagpapatrulya kaya marami silang natitisod na mga kriminal. At dahil talamak na ang bentahan ng droga, panahon na para pakilusin ni Espina ang nagbubundatang mga pulis para sagupain ang mga drug lord, pusher at user.  Dahil ang talagang nakaaalam sa mga pusher at user ay mga taga-barangay at residente mismo. Sila ang magngunguso sa mga ito oras na maging matibay ang kanilang pananalig sa mga pulis. Kaya kung ma-neutralized ang mga nagpapakalat ng droga makatitiyak tayo na mababawasan ang krimen. Abangan!

Show comments