MAY masasamang karanasan na ang Metro Manila pagdating sa matinding ulan. Kaya noong Lunes, marami ang naghanda kung sakaling bumuhos nga ang ulan.
Ang mga naninirahan sa mga lugar na binabaha ay pinalikas na sa mga evacuation center. Marami nga ang hindi na kailangang sabihan at kusang lumikas na. Kung hindi naman lumikas, inakyat na ang mga kagamitan.
Nakita ko ang mga trapal at lona na ibinaba, kaysa liparin na naman ng malakas na hangin. Inunahan na kaagad ng pagkansela ng mga klase Lunes at Martes. Inalok pa ng SM ang kanilang mga malls para sa mga gustong sumilong na muna, pati ang kanilang mga parking lots kung gustong isilong ang mga sasakyan mula sa bagyo. Napakagandang paghahandog mula sa isang kapitan ng industriya.
Pinakamagaling na guro talaga ang karanasan. Ilang kalamidad na rin ang pinagdaanan ng bansa sa mga nakaraang taon. Kaya mas marami na ang nakikinig at naghahanda. Ngunit may mga pasaway pa rin. Hindi na siguro mawawala ang mga iyan. Sana lang ay hindi sila mapinsala dahil sa kanilang pagiging pasaway.
Malungkot at may mga kumpirmadong namatay dahil sa Ruby, bagama’t pinagtatalunan pa ang tamang bilang ng mga namatay. Ang gusto lang naman ng gobyerno ay makumpirma ang mga ulat bago maglabas ng opisyal na bilang. Sana ay hindi na tumaas pa. May mga namatay dahil sa hypothermia, o ang pagbagsak ng temperatura ng katawan. Peligroso ang kundisyon na ito, lalo na para sa mga bata at matanda. Kung peligroso ang mataas na lagnat, ganundin ang masyado namang malamig. Ito ang mga kailangang pag-ingatan din kapag may bagyo.