NGAYON ang ikalawang linggo ng Adbiyento, ang paghahanda natin sa daraanan ng Panginoon upang hanguin tayo sa pagka-alipin ng kasalanan. Tambakan natin ang mga lubak at baku-bakong daan ng ating buhay. Tayo’y kakalingain ng Diyos sa sarili Niyang bisig tulad ng pagtitipon ng pastol sa kanyang mga tupa. “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”
Ito rin ang ating paghahanda sa pagdating ng Kanyang Kaarawan lalung-lalo sa Kanyang pagtawag sa atin sa tunay na tahanan sa kalangitan. Huwag nating kalimutan ayon kay Pablo ang ating lubusang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos sapagka’t hindi Niya nais na tayo ay mapahamak. Hindi Niya nalilimutan ang Kanyang pangako: Siya ay magbabalik “ang isang araw ay sanlibong taon at ang sanlibong taon ay isang araw lamang.”
Ang mga kalamidad na nagaganap sa daigdig ay paalaala sa atin na malapit na ang Kanyang pagdating. Abalang-abala tayo sa mga paghahanda upang maiwasan at maligtas sa anumang dagok ng tadhana: Ulan, baha, lindol, bagyo, unos at pagsabog ng mga bulkan. Maraming ahensiya ng pamahalaan ay nagtuturo sa atin upang maiwasan ang kalamidad na ito. Nadinig ba natin sa gobyerno na ang paghahanda ay kasama ang lubusang pagsisi sa mga nagawang corruption sa lipunan?
Ang Diyos ang lumikha sa lahat ng bagay sa daigdig at kalawakan. Kung sa ating paghahanda ay lubusan tayong magsisi at magpanibagong buhay ay pagagandahin ng Diyos ang ating daigdig. Ang unang mensahe ni Hesus sa ebanghelyo ayon kay Marcos ay ang hula ni Propeta Isaias na paghandaan natin ang daraanan ng Panginoon. Ito rin ang sinabi ni Juan na sumisigaw sa ilang: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” Tayo ba’y tunay na naghahanda sa pagdating ng Panginoon o pawang paghahanda lamang ng kasayahan sa kaarawan ni Hesus?
Kapansin-pansin na ang mga Christmas tree ngayon na simbolo ng liwanag na gumabay sa mga pastol at mga mago patungo sa Belen ay hindi ayon sa ating pananampalataya kundi pawang mga dekorasyon lamang. Wala na ang belen na simbolo ng pagsilang ni Hesus sa sandaigdigan. Para bang wala na rin ang simbolo ng mga anghel na nag aawitan sa sanggol na si Hesus na “Gloria in excelsis Deo”. Mas marami pa ang nadidinig nating awitin na Jingle bell. Panginoon, patawarin mo po kami.
Isaias 40:1-5, 9-11; Salmo 84; 2Pedro 3:8-14 at Marcos 1:1-18.
* * *
Bukas, Disyembre 8, ipanalangin po ninyo ako sa ika-39 na taon bilang pari. Binabati ko ng happy wedding anniversary sina Alvin at Beth Lleva.