ISANG malakas na bagyo ang nasa loob na ng bansa. Sa ngayon, hindi pa matiyak kung saan eksaktong tatama ang bagyong Ruby na may international name na Hagupit. Ayon sa PAGASA, 75 porsyentong tatama ito sa Pilipinas. Nasa higit 200 kilometro kada oras ang hangin na dala ng bagyo, na maaaring lumakas pa habang nasa karagatan. At dahil tatama sa Visayas o Bicol region, nangangamba na ang mga taga-roon. Inilipat na nga ang APEC Informal Senior Officials Meeting sa Manila na dapat sa Legaspi City sana gagawin. Ilang buwang pinaghandaan ng Legaspi City ang miting, pero walang magagawa kapag kalikasan ang nagbago ng plano.
Ang mga taga-Tacloban naman ay nanga-ngamba na sila muli ang tatamaan ng bagyo, ngayong hindi pa sila nakakabangon mula sa Yolanda. Mga pamilya na bumalik sa kanilang lugar malapit sa baybay-dagat ang mapipilitang lumikas at baka maulit ang “storm surge”. Ngayon pa lang, namimili na ng mga gamit bilang paghahanda, sakaling sila ang tamaan.
Pero sana ay lumihis ang bagyo, o humina nang husto. Magpapasko na at sana huwag naman maghirap muli ang mga kababayan natin. Kahit anong paghahanda pa ang gawin, hindi maiiwasan ang malawakang danyos na dulot ng malakas na bagyo. At malakas si “Ruby”. Nagbago na talaga ang klima natin. Kung noon ay wala nang mga malalakas na bagyo pagsampa ng Disyembre, ngayon tila nagsisimula pa lang ang sama ng panahon.
Pinaghahandaan ng Tacloban ang pagdating ng Santo Papa sa Enero. Masayang kaganapan para sa marami. Ngayong may malakas na bagyong parating, may mga nangangamba na baka hindi matuloy si Pope Francis sa kanila. Sa tingin ko, pupunta pa rin ang Santo Papa, kahit ano pa ang mangyari. Sana, ipinagdarasal din niya ang bansa na hindi tamaan ni Ruby o Hagupit.