Hagupit

HAGUPIT. Iyan ang international name ng bagyong nakatakdang pumasok sa area of responsibility ng Pilipinas ano mang oras.

Sabi ng Pag-asa, may kalakasan ito at malamang tumama sa mga lugar sa Kabisayaan na sinalanta ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon.

Dahil dito’y nakaalerto na ang National Disaster Risk and Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay ng nakaambang pagtama sa bansa ng bagyo na tatawaging Ruby pagdating sa atin. Bakit “Hagupit” ang international name nito gayung Tagalog ang nabanggit na kataga? Kasi, ang Pag-Asa weather forecasting ang nagbigay ng pangalang iyan na in-adopt ng international community.

Sa pangalan pa lang ay nagpapahiwatig na ng lakas ang bagyong ito. Pero I believe in the power of prayers. Manalangin tayo na huwag nang tumama sa bansa ang bagyo at lumihis na lang ng direksyon. Kawawa ang mga kababayan natin sa Kabisayaan na hangga ngayon ay hindi pa nakakaahon sa pinsalang dinulot ni Yolanda lalu na sa Eastern Visayas.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Alexander Pama, pinakilos na niya ang lahat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)  at maging ang mga Local Government Units (LGUs) sa mga lugar na posibleng  hagupitin  ng bagyo. Apat­napu’t apat na  probinsya ang posibleng salantain ng bagyong ito.

Matapos ang mahigit isang taon simula nang manalasa si Yolanda, hangga ngayon ay may mga naninirahan pa rin sa tolda sa ilang parte ng Kabisayaan. Naghihimutok sila dahil sa kawalang lingap sa kanila ng pamahalaan.

Red alert status ang pamahalaan sa nagbabantang bagyong ito at hindi lang isang ahensya kundi ang lahat ng ahensya ng pamahalaan ay may gagampanang tungkulin sa kalagayang ganito ng bansa.

Ang PNP at AFP troops ay nakahanda na rin para sa  isasagawang ‘massive evacuation ‘ sa mga apektadong lugar kung kinakailangan. Siguro naman ay may aral na tayong napulot noong nakalipas na taon mula kay Yolanda at sana, sana lang, hindi na umabot sa libu-libong buhay ang mabubuwis dahil sa kawalan ng kahandaan ng mga tao.

Show comments