Angat sa lipunan?

SA Amerika, ang puno ng diskriminasyon ay ang kulay ng balat o lahi, o kung saang bansa orihinal na pinanggalingan. Dito sa atin, ang diskriminasyon ay sa pagitan ng mahirap, mayaman at ubod ng yaman. At pinatunayan na naman ito ng isang may-ari ng napakamahal na Maserati Ghibli na binugbog at kinaladkad umano ang isang MMDA traffic enforcer na sumita sa kanya.

Magkano ba ang Maserati Ghibli sa Pilipinas? Hindi nakalagay ang presyo nito sa website ng Maserati Philippines, pero ayon sa mga may alam ay nasa P10 milyon. Sa halagang ‘yan makaka-bili na ng walong ordinaryong sasakyan. Pero hindi, may P10 milyon siyang pwedeng ilagay sa isang sasakyan, kaya ito na nga.

Hindi ko sinasabi na walang karapatan ang bumili ng ganyang sasakyan kung kaya naman. Ayon sa balita, napag-alaman na ang may-ari ay kontratista, operator ng isang transportation company at may-ari rin ng ilang fast-food restaurant. Mucho nga. Pero ang tanong, karapatan ba niyang gawin ang ginawa umano sa MMDA traffic enforcer?

Ano ba ang kanyang inisip para gawin ito? Kung nahuli man siya, magkano lang ba ang multa? May sampung mil­yong piso na pambili ng sasakyan, walang pambayad ng multa, ganun ba? Ano ba naman ang makiusap na lang nang maayos at baka pinalampas na lang ng enforcer? At kung wala naman pala siyang ginawang paglabag sa batas, ano ngayon kung kinukunan pa rin siya ng video? Napakaraming CCTV ngayon na tuluy-tuloy ang pagkuha ng video sa lahat. Nagagalit ba tayo dahil nakukunan tayo kahit wala tayong ginagawang mali? O dahil ang tingin sa sarili ay angat na sa lahat dahil ganito ang kanyang dina-dalang sasakyan kaya hindi dapat sinisita?

Ang isang mamahaling sasakyan ay status symbol nang pagiging mayaman na mayaman sa Pilipinas. Sa totoo nga, nagiging basehan na rin ito para sa pagtrato sa mga may dala ng ganyang mamahaling sasakyan. May mga guwardiya ng subdivision na hindi na masyadong pinapansin ang mga pumapasok kapag mahal ang sasakyan. Pero kapag luma, bulok o ordinaryong sasakyan, todo ang pagtanong at tatawagin pa ang pupuntahang tahanan. Malinaw na diskriminasyon, hindi ba?

Kilala na ang may dala ng Maserati. Nahanap na rin ang sasakyan na nakakumot pa sa loob ng isang paradahan, tila tinatago. Hindi pa nagpapakita ang drayber pero naglabas na ng pahayag na siya raw ang biktima sa insidente. Kawawa naman siya at ang kanyang pamilya dahil sa mga batikos at kritisismo bunga ng insidente. Eh sino ba ang may kasalanan? Sino ang may baling ilong? Magsasampa ng kaso ang traffic enforcer, kaya isang laban na naman ito ng mahirap na biktima at mayaman na akusado. Isang sumasakay lang ng pampublikong transportasyon kalaban ang nakasakay sa P10 milyong Maserati Ghibli. Lagi nating naririnig ang sinabi ni Pres. Ramon Magsaysay na “those who have less in life should have more in law”. Mangyari naman kaya sa kasong ito? Kung may P10 milyon para makabili ng isang kotse, ano pa kaya ang umarkila ng kilala at mahal na abogado? Sang-ayon naman ako sa pahayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino na hindi sila papayag sa areglo at palagi na lang ganyan ang nangyayari.

 

Show comments