Krimen lumalala, P-Noy tumatanggi
UNANG hakbang sa paglutas ng suliranin ay aminin na may suliranin.
Lumalala ang kriminalidad. Nito lang nakaraang linggo, tatlong malalagim na karahasan sa mga babae ang napa-balita:
• Sa Bataan natagpuan ang bangkay ng 14 anyos na dalagita: Kinidnap, ginahasa, pinatay, sinunog, isinako, at hinulog sa bangin. Huli siyang nakita ng mga kaklase nu’ng dismissal sa school. Nang hinahanap siya ng magulang, may nag-text na umano’y kidnapper na humingi ng P500,000-ransom, na natawaran nang P50,000.
• Sa Kamaynilaan nakita ng isang dalagita na kinikidnap ng dalawang lalaki sa van ang kaiskuwela. Pati siya isinakay at pinagsusuntok sa ulo. Huminto ang van sa liblib at bumaba ang dalawang lalaki na naka-hood. Tumakas ang dalawang biktima.
• Sa Kamaynilaan din hinoldap ng taxi driver ang pasahero. Nang lumaban ang babae, pinagbabaril ito, apat na beses, sa ulo.
Maraming sanhi ang kriminalidad: Droga, ilegal na baril, pagka-ganid, at kadaliang makalusot. Para masugpo ito, tiyakin na mahuli ang kriminal, alisin sa lipunan, at sugpuin ang droga’t loose firearms.
Pero hindi ‘yan mangyayari. Kasi ang pinuno mismo ng Philippine National Police ay nagbubulag-bulagan sa suliranin. Abala siya sa pagpapayaman sa puwesto, at pagpapalusot sa anti-graft investigators.
Mas malala, kinakatigan siya ng Presidente. Bilang pinaka-mataas na pinuno, kaya sana ng Presidente na pakilusin lahat ng ahensiya laban sa krimen. Pero abala siya sa pagtatanggol sa bata-batang PNP chief.
Inaamin ni Justice Sec. Leila de Lima ang bahagi ng suliranin. Dahil umano sa katiwalian sa Bureau of Corrections patuloy ang operations ng mga nakabilanggong drug lords. Pero ano man ang gawin ni De Lima ay para lang sa department niya; hindi niya sakop ang PNP.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest