Pasko na

Pasko na Pasko na saka Bagong Taon

sasapit sa mundo sa bagong panahon;

At sa Paskong ito dapat mahinahon

mga mamamaya’y mabuti ang layon!

 

At sa Bagong Taon tiyak na sasapit

dapat nasa ayos ating mga isip;

Sapagka’t kung hindi tayo ay tatangis

sa mga gawaing sa bansa ay lihis!

 

Sa abot ng ating damdami’t isipan

wala pang naganap na tumpak sa bayan;

Mga nasa pwesto ng pamahalaan

ay pawang pahirap ang ating nakamtan!

 

Kaya sana naman ngayong Paskong ito

ay magsimula na mga pagbabago;

Ang mga opisyal sa ating gobyerno

hindi na matakaw sa pera ng tao!

 

At sa Bagong Taon ay magsimula na

na magbagumbuhay mga magsasaka;

Mga mangingisda’y mangisdang payapa

hindi pumapatay ng maraming isda!

 

Sa taong papasok sa loob ng bayan

sana’y mawala na ang mga patayan;

Mga mag-aaral nating kabataan

maging tapat sanang gabay ng magulang!

 

Dapat ding sa Pasko saka Bagong Taon

itong ating bansa ay maging mayabong;

Walang pulitikong masama ang misyon

hindi nagnanakaw – takot sa korapsyon!

 

Dapat ding isipin nitong sambayanan

masamang gawain ay may katapusan;

Tayo’y nasa islang ‘Perlas ng Silangan’

na laging makislap sa gabi at araw!

Show comments