MUKHANG sawang-sawa na ang mga otoridad sa mga nagaganap na kalokohan sa New Bilibid Prisons (NBP). Parang walang nangyayari kasi kahit ilang palit na ng direktor sa nasabing kulungan. Lumalabas na walang silbi ang pagpalit dahil patuloy pa rin ang mga nagagawang kriminal na aktibidad ng mga sindikato at VIP sa kulungan. Laganap pa rin ang iligal na droga at ano pang mga krimen. Aktibong-aktibo pa rin ang mga operasyon ng mga kriminal. Lahat dahil nabibili pa rin ang mga guwardiya, na sinabi rin ng direktor ng NBP.
Kaya may plano na ang DILG na maglagay ng cell phone jammers, o kagamitan para hindi na magamit ang ano pang cell phone o pamamaraan ng komunikasyon habang nasa loob ng kulungan. Ayon sa imbistigasyon, may pamamaraan pa ang mga kriminal sa loob ng NBP para makausap ang kanilang mga kawatan sa labas. Sa madaling salita, gamitin ang teknolohiya para labanan ang krimen. Kapag nawala ang komunikasyon, mawawala na rin ang operasyon. Pero para maging epektibo ang planong ito ay dapat tapat sa trabaho ang magpapaandar sa kagamitan. Baka naman mabili rin at patayin ng ilang oras para makalabas ang mga utos ng mga pinuno ng sindikato, hindi ba?
Seryoso na rin ang DOJ na ilipat na ang NBP sa Nueva Ecija. Inaprubahan na ng NEDA ang paglipat, at may panukalang budget na para dito. Mas malaki ang lugar kaya mas maraming bilanggo ang malalagay. Mababawasan na rin ang ibang mga kulungan sa bansa na sumasabog na sa dami ng mga bilanggo. Ang target ay matapos ang bagong bilangguan sa susunod na taon.
Pero bukod sa paglipat, dapat palitan na rin ang lahat ng tauhan ng NBP. Wala ring silbi ang paglipat sa bagong lugar kung mga dating kawatan din naman ang magpapatakbo. Bagong lugar, bagong tauhan. At kung ako ang tatanungin, mas gusto ko na sa isang isla ilagay ang bagong bilangguan, malayo sa anumang siyudad. Sa madaling salita, pahirapan nang husto na makakilos pa ang mga sindikato na iyan. Kailangang magkaroon ng silbi muli ang NBP at tila nagiging bakasyunan lamang ng mga kriminal. Baka mas nagiging epektibong kriminal, imbis na dumaan sa rehabilitasyon.