Talent Association of GMA

NAGSUMBONG sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang isa sa miembro ng TAG at nagpadala ng email sa Chief Kuwago para mailathala ang kanilang daing kaya madlang people kayo humusga.

Ito ang nilalaman.....!!!

Boses ng mga api at naa-agrabyado kung ituring ng marami ang midya. Pero maging sila, walang takas sa kawalan ng hustisya.

Ngayong taon lang, mahigit 100 talent ng GMA network ang nagsampa ng kaso laban sa istasyon. Ang sigaw nila, regularisasyon, benepisyo, at security of tenure.

‘Hindi kami self-employed’

Fist quarter kasi ngayong taon nang maghigpit ang BIR sa koleksyon ng buwis. Mas hinigpitan ang paniningil sa mga itinuturing na self-employed. Required kasi sila na mag-file kada buwan ng 3% na percentage tax, liban pa sa 10% na kaltas sa kanila kada cut off.

Isa ang GMA sa mga kumpanyang kinulit ng BIR para rito. Kaya naman ang GMA, mga talent ang kinulit at sapilitang pinagbayad ng karampatang buwis.

Ikinagulat ito ng ilang talent gaya ni TAG President Bowie Cabaluna ng Imbestigador. Bakit kailangang magbayad ng buwis pang-self employed kung hindi ka naman self-employed? Lahat ng indikasyon ng pagiging empleyado, mula sa uri ng trabaho hanggang sa kontrol ng GMA sa kanilang trabaho, nagpapatunay na hindi nga sila self-employed. Dahil dito, binuo nya kasama ang iba pang talent na may parehong pananaw ang Talents Associaion of GMA o TAG.

Ang TAG ay binubuo ng grupo ng mga talent mula sa News at Public Affairs division ng GMA. Sila ang mga lumalaban para sa karapatan ng mga talent bilang empleyado ng GMA. Sila rin ang nasa likod ng facebook page na ‘Buhay Media’ at ng social media campaign na #BuhayMedia.

Buhay Talent, #BuhayMedia

Ano nga ba ang isang ‘talent’? Walang nakasaad sa batas na ganitong uri ng tax payer, pero ang turing sa kanila ng network, self-employed, o kumbaga kaparehas ng mga indibidwal na nagpaparenta lang ng serbisyo o gamit sa kumpanya.

Pero hindi ganoon ang trabaho ng talent.

Sa News at Public Affairs halimbawa, ang kanilang trabaho bilang mga executive producer, associate producer, head writer, segment producer, news writer, cameraman, program researcher, production coordinator, production assistant, transcriber, cameraman, interview producer, graphic artist, video researcher, live playback operator, production designer at edit supervisor, hindi lang one time project.

Ito ang dahilan kung bakit ang kontrata nila ay nire-renew kada ilang buwan o taon. Kung tutuusin, sang-ayon sa batas, dapat gawing regular na empleyado oras na tumungtong na sa anim na buwan ang serbisyo sa kumpanya. Pero hindi ito ang kaso sa mga talent.

Idagdag mo pa sa listahan ng mga iregularidad ang kawalan ng overtime pay, nigh differential, hazard pay, 13th month pay at anumang klaseng leave. Wala rin silang mga benepisyo gaya ng SSS, Philhealth, PAG-IBIG ay health card.

‘No work, no pay’ din ang kalakaran at kahit pa magkasakit ka, ikaw pa ang hahanap ng kapalit mo.

Hindi birong usapin ito lalo’t ang mga sangkot, mga alagad ng midya na sumusuong sa bakbakan at kalamidad makapaghatid lang ng storya sa publiko.

‘Project Employment Contract o PEC’

Mula nang magsampa ng kaso ang TAG, ilang buwan ding sumailalim sa mediation sa National Labor Relations Commission ang kaso, at ang naging resulta, ang Project Employment Contract o PEC.

Sa ilalim nito, bibigyan ng mga benepisyo gaya ng SSS, PhilHealth at PAG-IBIG ang mga project employee, pero hati sila ng GMA sa bayad dito. Ang medicard at libreng bigas, pang-Executive producer lang pataas. Magulo rin ang sistema ng 13th month pay na idaragdag sa buwanang sweldo ng project employee at ituturing na tax exemption.

Hindi rin nakasaad dito ang hinihinging security of tenure dahil ang kontrata na may minimum na isang taon, nakadepende sa kung e-ere ang programa o hindi. Hindi obligado ang GMA na hanapan ka ng kapalit na programa sakaling magtapos ka na.

Habang nilalakad din na maisailalim ng PEC ang lahat ng talent, lahat ng kontrata na magtatapos mula December 31 o lagpas pa, na-pre-terminate na ng kumpanya. Ibig-sabihin nito, kung hindi ka pipirma sa PEC, wala ka nang trabaho sa katapusan ng taon.

Mukha ng mga Talent: Ang storya ni Ate Chloe at Mang James

At ganon na nga ang kinakaharap ng ilang Kapuso talents, gaya ni Chloe Garcera-Ben. Labindalawang taon siyang head coordinator ng Sumbungan ng Bayan ng Imbestigador pero nang magtapos ang kanyang kontrata noong October 31, hindi na siya na-renew nang ganun-ganun lang.

Ganyan din ang mangyayari kay James Arce, 10 taong cameraman ng Imbestigador. Ang lahat ng death threats at aktwal na banta sa buhay na sinuong nya para sa minamahal na programa, hindi pa sapat para bigyan siya ng kaparehong pagpapahalaga ng kumpanya.

‘Pwede naman pala’

Ngayong buwan lang, biglang naglabas ng opening para sa mga regular position ang pamunuan ng News at ng Public Affairs. Sa unang pagkakataon, ang mga trabahong pang-Talent, biglang pwede naman palang pang-regular.

Pero ang siste, kailangan pang mag-apply para ma-regular. Kahit sampung taon ka na sa iyong trabaho, hindi pa malinaw kung mabibilang iyon. Wala ring kasiguruhang makakapasok ka dahil limited daw ang slot. Kahit pa matanggap ka, balik anim na buwan kang under probation.

Kinontra naman ng pamunuan ng GMA network ang alegasyon ng mga talent.

Sa pahayag ni Angela Javier Cruz, VP for Corporate Communications ng GMA, iginiit nya na mahalaga ang mga talent para sa tagumpay ng GMA network. Pinapahalagahan din daw nila ang kapakanan ng sinumang nagtatrabaho sa kanila.

Hiniling din nila na pag-usapan na lang sa ‘proper forum’ ang isyu.

Hangga’t nagpapatuloy ang kaso, kakaba-kaba muna ang mga talent na mawawalan ng trabaho. Pagpatak ng December 31, sabay-sabay silang magka-countdown, ‘di lang para sa bagong taon, kung hindi para na rin sa bagong pagsubok ng kawalan ng trabaho.

‘Bibigyan natin na kaparehong espasyo ang mga inirereklamo at dinadaingan para sa patas na pamamahayag!’

Abangan.

Show comments