EDITORYAL - Illegal drug trade sa Bilibid
BILIBID or not pero inamin mismo ni Justice Secretary Leila de Lima na mayroong illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP). At hindi lamang inamin kundi kinikilala pa niya ang high-profile inmates na umano’y nagpapatakbo ng illegal na aktibidad sa Bilibid. Ayon kay De Lima, pinatatakbo ng mga drug lord ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng cell phones. Nagagawa umanong makapagpasok ng droga dahil sa pakikipagsabwatan sa mga personnel ng Bureau of Corrections (BuCor) at maging sa mga guwardiya. Mabilis ang pagtransact ng droga sa inmates dahil sa cell phones. Marami na umanong naipasok na cell phones sa loob dahil sa kaluwagan ng mga guwardiya.
Hindi na nakapagtataka na sa mga susunod na araw ay mapabalita na may shabu laboratory sa Bilibid. Imagine, kung doon mismo sa loob lulutuin ang shabu, hindi na mahihirapang ipasok sapagkat dun na mismo ginagawa. Wala nang kahirap-hirap at basta na lamang idideliber sa mga bilanggong umorder ng shabu. Babatakin na lamang ng mga adik na bilanggo. Posibleng makapagluto ng shabu sa loob sapagkat kakutsaba ang mga opisyal ng BuCor. Lahat ay magtatakipan.
Ano naman kaya ang masasabi ni BuCor director Franklin Bucayo sa mga binulgar ni De Lima. Gumagawa na ba siya ng aksiyon? Nakakahiya ang sinabi ni De Lima na magsasagawa na ng crackdown sa mga personnel at guwardiya na nakikipagsabwatan sa mga inmate na drug lord. Kung may kahihiyan si Bucayo dapat magbitiw siya sa puwesto sapagkat hindi niya kayang linisin ang tanggapan na kanyang pinamumunuan. Noon pa, kontrobersiya na ang BuCor sapagkat maraming kabalbalang nangyayari sa loob. May pagkakataong nagkaroon nang pagsabog sa loob sapagkat may inmates na nakapagpasok ng granada. Noon, may mga maykayang bilanggo na nakakalabas ng selda at nakapapamasyal pa. May mga bilanggo rin na mistulang nagbabakasyon lang sa Bilibid.
Ngayo’y mabigat ang isyu sapagkat shabu na ang negosyo sa oblo. Bilibid or not.
- Latest