Filipino Amerasians dadagsa; pati Japinos, Kopinos, Chipinos
HINDI mahihinto sa humigit-kumulang 250,000 Filipino Amerasians ang pang-aabusong sexual sa Pilipinas. Dadami pa sila dahil sa patuloy na pagpapadala ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas, na nag-aanak at nag-aabandona ng mga sanggol ng mga desperadong Pilipinang ina.
Hindi lang ‘yon. Madadagdagan pa ang hanay nila ng mga iniwan na paslit ng tatlo pang malalaking bansa: Japan, Korea, at China. Ngayon pa nga lang, lumolobo na ang bilang ng mga batang Japino, Kopino, at Chipino.
‘Yan ang buod ng pag-aaral ni Pete Kutschera, PhD, Amerikanong director ng Philippine Amerasian Research Center sa Systems Plus College Foundation, Angeles City. Pinamagatang “No Way Out: The Tragic Transnational Exploitation of the Philippines,” sinumite ang papel sa 2nd Asia-Pacific Conference on Business and Social Sciences sa Taipei nu’ng Biyernes.
Ang Filipino Amerasians ay “G.I. babies” na inabandona ng mga sundalong Amerikano sa paligid ng Clark Air Base, Subic Naval Base, at walo pang base militar mula liberation, Vietnam War, at kasalukuyan. Sila’y mga paslit, adults, at seniors; karamiha’y dukha. Dadami sila dahil, sa ilalim ng tratadong militar ng Pilipinas at Amerika, libu-libong dayuhang sundalo pa ang magsasanay sa Pilipinas.
Ngayon lang ikinabit ang isyu ng Filipino Amerasians sa mga abandonadong Japino, Kopino, at Chipino. Tinatayang 200,000 ang mga Pilipinong anak ng Hapones, 30,000 ang sa Koreano, at 5,000 sa Chinese.
Ani Kutschera, sumibol ang suliranin ng mga Japino mula nu’ng dekada-’70, nang dumagsa ang mga negosyanteng Hapones sa Pilipinas. Nakakabahala aniya ang mabilis na pagsibol ng Kopinos, dahil walang hadlang ang migration ng mga lalaking Koreano sa Pilipinas. Lumilitaw ngayon ang Chipinos dahil pagsuway ito ng mga lalaking negosyanteng Tsino sa one-child policy ng China, paliwanag ni Kutschera.
- Latest