EDITORYAL - Nalalansag ba talaga ang shabu ‘tiangge’?

MALAKING palaisipan kung bakit sa kabila na sinasabi ng mga awtoridad na nalulupig na ang mga nagma-manufacture ng illegal na droga sa bansa, ay patuloy pa rin mga sinasabing shabu “tiangge”. Kung nalalansag bakit napakarami pa ring droga at ginagawang halimaw ang mga kabataan at maging adult. Nire-recycle kaya ng awtoridad?

Kung ginagawa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang tungkulin para masugpo ang illegal drugs bakit marami pa rin nito sa kalye at parang kendi kung bilhin. Bakit mayroon pa ring shabu ‘tiangge’ sa maraming sulok ng Metro Manila? Sa shabu ‘tiangge’ puwede nang maka­bili ng tingi-tingi na droga at doon na mismo ito “babatakin”. Mayroon na umanong “batakan” sa tianggehan para solb na solb ang parukyano. Wala nang alisan pa sa puwesto.

Noong nakaraang linggo, sinalakay ng may 200 armadong pulis ang anim na bahay sa Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City at inaresto ang 16 katao na nagbebenta ng shabu. Hinalughog ang mga bahay at nakakumpiska nang ilang gramo ng shabu, drug paraphernalia at mga baril. Tinitingnan ng PNP kung ang shabu “tiangge” ay konektado sa isang bigtime drug trafficker noong 2006 na nadakip at nakakulong na ngayon. Malaki ang paniniwala ng PNP na mga tauhan ng convicted drug trafficker ang nagmi-maintain ng shabu “tiangge’’ sa Pinagbuhatan. Ipinagpapatuloy ang sinimulang shabu “tiangge” at maaaring lampasan pa ang nagawa ng kanilang “lord”.

Paigtingin pa ng PNP at PDEA ang pagwasak sa mga shabu “tiangge”. Kawawa ang sinumang magiging sugapa sa shabu. Wasak ang kinabukasan. Wasak ang pamilya. Karumal-dumal ang ginagawa ng sinumang sugapa sa shabu. Pinapatay ang sariling asawa, anak at sinumang makita.

Batid namin na mananaig sa mga mabubuting pulis ang pagbuwag sa mga sindikato ng droga para hindi maging biktima ang kanilang mga anak o apo, kamag-anak at mga kaibigan.

 

Show comments