MARAMING kapalpakan ang precinct count optical scanners (PCOS) ng Smartmatic Corp. nu’ng Halalan 2010 at 2013. Walang security features: Digital password para board of election inspectors lang ang makapag-on ng PCOS sa presinto, at vote verification para matiyak ng botante kung nabasa ng makina ang mga boto niya. Sablay ang transmission kaya hindi natapos ang bilangan sa presinto o canvassing sa pambansa nu’ng 2013. Kahina-hinala sa lahat, nag-60-30-10-percent trend sa lahat ng probinsiya at distrito ang boto para sa administration, opposition, at independent senatorial candidates.
Ang pinaka-malaking panloloko ng Smarmatic ay sa software license. Hindi pala ito ang may-ari o may-akda ng software, kundi ang Dominion Corp. of Canada. Kaya pala wala itong maisumiteng source code nu’ng 2010 at 2013 elections. Labag ito sa Automated Election Act of 2008. Ni hindi dapat kinontrata ang Smartmatic para sa 72,000 PCOS nu’ng 2010 at dagdag na 14,000 nu’ng 2013 -- sa kabuuang halagang P9 bilyon. Wala pa sa kuwenta ang P3 bilyon sa pagbobodega, cardboard ballots, CF cards, at modems na katambal ng mga PCOS.
Samakatuwid, ayon sa mga info-technologists, mathematicians, statisticians, at media, i-blacklist na dapat ang Smartmatic.
Pero taliwas ang ginagawa ng Comelec. Nag-aapura ito na bumili ng 41,800 pang na voting machines sa halagang P3.76 bilyon. Pinauuna pa ng Comelec sa pila ng bidders ang Smartmatic, dahil may karanasan na umano ito sa halalang Pilipinas. Nagbubulag-bulagan ang Comelec sa mga kasalanan ng Smartmatic nu’ng 2010 at 2013.
Bakit ba nag-aapura si Chairman Sixto Brillantes Jr. na mag-bidding sa Dec. 4, gayong magreretiro na siya at dalawa pang commissioners sa Feb. 2, 2015? Ito ba’y para sa “pabaon” sa pag-alis?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).