IBA’T IBANG kwento, iisang karanasan. Ang ilan ay ginawang trapo matapos lampasuhin… sinabunutan ang buhok na parang lastiko. Ang iba nga parang bolang matapos ihagis sa pader ipapasalo sa iba.
“Isang lingon ng asawa ko sapul agad ang mukha niya. Nanakbo siya papasok sa kanyang kwarto pero sinundan siya ng amo niya at kinaladkad papunta sa sala saka iningudngod sa sahig,” pagsasalarawan ni ‘Eking’.
Mula sa Brgy. Tatarac, Bayambang Pangasinan lumuwas ng Maynila si Ricky Aquino o “Eking”, 46 anyos matapos makantanggap ng tawag mula sa asawang si Julieta “Olit”, 44 taong gulang Domestic Helper (DH) sa Dammam, Kingdom of Saudi Arabia.
“Lakay, lumakad ka bukas humingi ka ng tulong hindi ko na kaya ang ginagawa ng amo ko,” pagmamakaawa ni Olit kay Eking.
Tubong Tatarac ang pamilya Aquino. Pagsasaka ang kinabubuhay ni Eking, nagtatanim naman ng sibuyas si Olit.
Taong 1994 nang ikasal sa Simbahan ng Bayambang ang dalawa. Apat ang kanilang naging anak.
“Dinugtong namin sa bahay ng kapatid ko ang bahay namin dahil kulang kami sa materyales,” kwento ni Eking.
Aminado si Eking na kapos ang kanilang kita sa pagsasaka. Dating nanahi si Olit sa Maynila subalit ng mag-asawa at magsunod-sunod ang kanilang anak sa Pangasinan na ito namalagi.
Buwan ng Hunyo 2013, muling lumuwas ng Maynila si Olit at nanahi ulit. Sa Pandacan, Manila siya tumuloy sa dating tinirahan ng kanyang nakababatang kapatid na si Rolly Asuncion, namamasada ng jeep-- byaheng Pandacan-Taft.
Dito siya hinikayat ng isang kapitbahay na si “Nita” na mangibang bansa. Si Nita ay kasambahay umano ng may-ari ng jeep na minamaneho ni Olit. Sideline raw niya ang pagre- ‘recruit’.
Kwento ni Rolly, dati na siyang niyaya ni Nita na mangibang bansa bilang Construction Worker sa Middle East subalit tumanggi siya.
“Nagulat na lang ako ng kapatid ko na pala ang nahikayat niyang pumunta sa Dammam,” ani Rolly.
Libre ang pagpapaalis. Sila Nita raw ang sagot ng lahat ng dokumentong kakailanganin maging ang pasaporte ni Olit kaya’t naenganyo ang kapatid.
Pinaalam ni Olit sa asawa ang pagpunta niya sa bansang Dammam bilang DH. Sa hirap ng buhay nila sa Pangasinan, pinayagan siya ni Eking.
Sa tulong ng ahensyang Bionic Manpower Services Inc. sa Ermita, Manila dalawang buwan lang ng hinintay ni Olit nakaalis na siya ng bansa. Ang kita niya halagang Php17,000 kada buwan.
Lalaki ang amo ni Olit, may asawa at mga anak. Ang kanyang foreign agency, Al Saba Rect. Office.
Maayos ang pagtatrabaho ni Olit sa Dammam. Mabait daw ang kanyang amo. Ang naging problema lang niya ay ang sahod niyang hindi nasunod.
Mula Php17,000 halagang Php11,000 lang daw ang pinasahod sa kanya. Hindi rin daw siya naswelduhan ng tatlong buwan kaya’t nareklamo sila Eking sa ahensya ni Olit sa Pinas nung Hunyo 2014. Naibalik naman ang kanyang sahod sa Php17,000.
Inakala nila Eking na ayos na ang lagay ni Olit sa Dammam subalit mula ng mag-asawang muli ang amo ni Olit naging malupit umano sa kanya ang bagong nitong asawa.
Hindi na daw umuwi sa unang asawa ang amo ni Olit. Mula nun dalawang bahay na ang nilinis ng Pinay. Kabilang ang bahay ng biyenan ng amo.
“Kung nasaang bahay daw ang amo niya, dun rin ang misis ko,” ani Eking.
Ika-26 ng Oktubre kasalukuyang taon, ganap na 1:00 ng umaga bigla na lang tumawag si Olit sa mister.
“Lakay, lumakad ka bukas. Humingi ka na ng tulong hindi ko na kaya ang ginagawa ng amo ko,” panimula ng misis.
Tinanong ni Eking kung anong nanyari sa kanya. Kwento raw ng misis, hinahanap ng kanyang amo ang isang damit. Maraming daw itong binigay na damit kay Olit kaya’t tinanong niya kung anong klaseng damit ba ito.
Paglingon niya sa amo bigla na lang umano siyang tinadyakan sa mukha.
Tumakbo sa kwarto si Olit subalit sinundan siya. Hinila raw sa buhok, palabas at saka kinaladkad sa sala’t iningudngod ang mukha sa sahig.
“Lahat daw hinahanap sa kanya. Pinagbintangan siyang kumuha ng kutsara pati ng ashtray,” wika ni Eking.
Sa tuwing lalabas ang amo kinakandado na rin daw si Olit sa loob ng bahay.
Kinabukasan Ika-27 ng Oktubre pinuntahan agad ni Eking ang ahensya ng misis, ang Bionic Manpower Service Inc.
Tinawagan nila ang employer ni Olit. Nakausap din mismo ni Olit ang ‘staff’ ng Bionic si “Jane” at nagsumbong sa pananakit ng amo. Nangako naman daw si Jane na tutulungan ang misis sa Dammam.
“Ang sabi nila gagawa ng paraan para madala sa embahada ang misis ko pero mula ng makausap nila si Olit at employer nito hanggang ngayon hindi na namin makontak ang cell phone niya,” pangamba ni Eking.
Nitong huli nakita raw pinsan ni Olit na si Vina, OFW naman sa bansang Israel na nag-post daw ang pinsan sa Facebook (FB) na nanghihingi ng tulong. Sinasaktan daw siya ng amo. Labis ang pangamba ni Eking dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan.
Itinampok namin si Eking at bayaw na si Rolly sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN)
Para agad maaksyunan ang kaso ni Olit, kinapanayam namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Dahil wala pang embahada sa Dammam at ito’y hawak pa ng Riyadh, Embassy papapuntahin nila ang taga Labor Office sa Dhahran para matignan ang kanyang kalagayan at kung kailangan siyang tulungan.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, diretso naming tinanong si Eking na baka dahil magpapasko na’t malapit na ang kanyang kaarawan ngayong ika-30 ng Nobyembre 2014 nalulungkot lang siya’t nanabik dahil daaanan na naman ang pasko’t bagong taon na wala si Olit. Ganun pa man, dahil sa mga sumbong ng misis sa kanyang asawa aming tutulungan si Eking. I-email namin lahat ng impormasyon tungkol kay Olit sa DFA para maiparating ito sa ating embahada sa Riyadh ay Ambassador Ezzedin Tago. Sa puntong ito ang pinakamagaling na gawin, hintayin ang opisyal na ulat mula sa ating embahada sa Riyadh tungkol sa tunay na kalagayan ng ating kababayan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038