IKINAKABIT umano sa pribadong MRT-3 ang mga riles ng LRT-2 na pag-aari ng gobyerno. Ang malamang na pagnanakaw ng pag-aari ng gobyerno ay binulgar sa Pilipino Star NGAYON ng mga empleyado ng Dept. of Transportation and Communications, na nangangalap din ng ebidensiya ng krimen.
Isa sa umano’y katibayan ay ang retrato ng manager ng maintenance contractor ng MRT-3 sa tabi ng salansan ng riles sa Quezon City depot. May marka ang mga riles na “From Line-2,” “Grade 1100-A,” “6000 mm,” atbp. “Line-2” ang karaniwang tawag ng DOTC sa LRT-2; “Line-1” ang sa LRT-1 at “Line-3” sa MRT-3.”
Ang tao sa retrato ay si Engr. Alan Ortencio, ng maintenance firm na Global-APT (Global Epcom Services-Autre Porte Technique). Kuha ito habang iniinterbyu siya sa TV news kamakailan. (Maari kong bigyan ng kopya ang sinumang crime investigator na interesado.)
Pag-aari at pinatatakbo ng Light Rail Transit Administration, sa ilalim ni Honorito Chaneco, ang LRT-1 at LRT-2. Minementena ito ng mga pribadong CB&T at APT.
Ang MRT-3 ay pag-aari ng pribadong gumawa nito, Metro Rail Transit Corp. Pinatatakbo ito ng DOTC, sa ilalim ni ac-ting GM Renato San Jose. Dinemanda ng MRTC ang DOTC dahil sa hindi pagbayad ng lease sa MRT-3 at sa pagtalaga sa Global-APT na wala nitong pahintulot.
Pareho ang riles ng LRT-2 at MRT-3, pero bulok ang sa huli dahil hindi pinapalitan ng Global-APT, labag sa preventive maintenance. Nu’ng Setyembre apat na beses muntik madiskaril ang mga tren ng MRT-3 dahil sa basag at biyak na riles.
Maituturing itong “misappropriation at illegal use of government property” sa Revised Penal Code. Parusa: habambuhay na kulong.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).