‘Uri ng lider sa lipunan’

KAPANSIN-PANSIN ang mga katangian ng mga lider ngayon. Naglulutangan at naglalabasan na ang totoo nilang kulay kasabay ng mga kontrobersiya at anomalyang kanilang kinasasangkutan.

Maaaring naaaliw at natu-tsubibo ang publiko sa mga balita sa telebisyon, radyo at dyaryo. Subalit, sa mga kaganapang ito, dapat natuto na ang taumbayan. 

Isa ang BITAG Live sa mga programa sa media na nagbibigay ng matalinong pag-aanalisa at naghihimay ng mga isyu para mapukaw ang damdamin ni Juan at Juana dela Cruz.

Mahalagang maunawan na hindi lahat ng mga naiha-     lal o nailuklok sa pwesto maaari nang tawaging “lider.”

Dahil ang hubo’t hubad na katotohanan, marami sa mga namumuno sa ating bansa binigyan at nabigyan lang ng posisyon ng kani-kanilang mga patron na wala naman sa lugar. 

Wala silang kakayanang mamuno dahil wala sa kanilang bokabularyo ang mga katangian ng totoong lider. 

Hindi mapagkakatiwalaan, walang integridad, walang delicadeza, hindi marunong rumespeto o gumalang at higit sa lahat, walang takot sa Diyos. 

Ang kapansin-pansin pa nga sa mga lider ngayon na hindi naman talaga lider ay ang pagiging sakim, makasarili, manhid, arogante, mayabang, hindi tapat, malakas ang kumpyansa sa sarili, at kampanteng-kampante sa kanilang mga pinaggagawa.

Napatunayan na nila ito sa kanilang mga gawaing baluktot na paulit-ulit na matagumpay nilang nagagawa sa paggamit ng kanilang kakapalan ng mukha at kawalang-hiyaan.

Malapit na ang susunod na eleksyon. Sana natuto na ang taumbayan sa mga kaganapan sa ating bansa. 

Tulad ng paulit-ulit kong sinasabi sa BITAG Live, dalawang uri lang ang lider. Una, lider na may malasakit, handang magsakripisyo, responsable at mayroong pananagutan sa kaniyang mga nasasakupan at ang isang lider naman, sadyang wala talagang pakialam.

* * *

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments